MANILA, Philippines – Wala pang naitatalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Quezon City.
Kasabay nito ay inanunsyo ng QC local government unit na nagpapatuloy ang pinaigting na prevention measures laban sa sakit.
Bilang suporta sa inisyatibo ng Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry (BAI) na labanan ang ASF, naglatag ang QC Veterinary Department (QCVD) ng livestock at poultry checkpoints sa Pearl Drive sa Commonwealth Avenue, Kaingin Road sa Balintawak, Mindanao Avenue, Tandang Sora Avenue, at Paang Bundok sa N.S. Amoranto.
Sinusuri ng mga tauhan ng QCVD at BAI ang lahat ng livestock shipments na dadaan at papasok sa lungsod upang masiguro na ang mga ito ay ASF-free.
Mula nang ilatag ang mga checkpoint noong nakaraang lingo, nakapag-inspeksyon ang QCVD ng kabuuang 502 kargamento na lahat ay galing sa Batangas at Quezon.
Sa 502, 452 shipments ang pinayagang makadaan o makapasok habang ang 46 ay pinabalik sa pinanggalingan dahil sa kakulangan ng dokumento.
Mayroon naming apat na kargamento ang nahuli, habang 188 baboy ang nagpositibo sa ASF na agad na isinailalim sa culling at inilibing.
Mayroon ding 153 baboy ang isinailalim ng BAI at QCVD sa testing dahil may mga sintomas ng ASF ang naturang mga baboy.
“As a highly urbanized city, bawal ang piggery at livestock sa Quezon City kaya pinaiigting natin ang inspeksyon. Minabuti nating tumulong sa BAI para matiyak na hindi kumalat ang virus sa ibang lugar para hindi makaapekto at makapaminsala sa kabuhayan ng ating QCitizens,” sinabi ni Mayor Joy Belmonte. RNT/JGC