SANA totoo na ligtas ang 23 Pinoy seaman at 2 Ruso na crew ng MV Sounion na sa huling ulat ay nagkaroon ng sunog sa Red Sea makaraang atakehin ng tatlong bangkang sakay ng mga armadong kalalakihan.
Ito’y sa kabila ng pagkakatama umano ng isa sa kanila ng ng granada mula sa mga umatake.
Inabandona umano ang oil tanker ng mga crew at habang tinitipa ito, hindi pa malaman kung ano ang kalagayan ng mga ito.
Wala pang nakaaalam kung may sumagip sa kanila sa gitna ng karagatan o kaya’y nakarating ang kanilang sinakyang bangka sa ibang bansa o naglangoy na lang sila at palutang-lutang sa dagat.
Hindi man kailangang sabihin, dapat na imonitor ng pamahalaan ang kalagayan ng mga crew at tiyakin silang ligtas at nasa mabuting kalagayan.
TATLONG ATAKE SA 2 BARKO
Umaga kamakalawa, bago mag-alas-6:00, nang atakehin ng dalawang bangkang may sakay na 15 armadong kalalakihan ang barkong pag-aari ng Delta Tankers na galing umano sa Iraq at papuntang Singapore.
Nakipagpalitan pa ng putok ang mga guwardiya ng barko sa mga umatake mga 77 nautical miles mula sa Hodeida port, Yemen.
Sa kalaunan, natamaan ang stirring o manibela ng barko na pinaniniwalaang may kargang isang milyong bariles ng langis at nakitang hindi nakayang magmaniobra.
Makaraan ang pangyayari at umatras na ang mga armadong umatake, tumakbo pa ang barko palayo.
Ngunit may dumating pang isang bangka makaraan ang tatlong oras at nagpakawala umano ng grenade launcher, kasabay ng pagpapaputok ng iba pa gamit ang ibang mga baril.
Dito na umano nagkaroon ng sunog, kasabay ng pagkasira ng makina ng barko upang ganap na itong tumigil sa pagbibiyahe.
Dagdag na ulat na may isa pang barko ang inatake mga 57 nautical miles sa katimugan ng Aden, Yemen.
Tatlong missile ang pinakawalan laban sa barko ngunit hindi umano tinamaan ito.
Hindi naman malaman kung may mga Pinoy na crew ang barko.
Ganyan nagpupusta ng buhay ang mga Pinoy hindi lang para sa kanilang sarili at pamilya kundi para sa bayan nating mahal.
1,000 PA RIN
Lagpas isang linggo na makaraang manawagan ang ating pamahalaan sa mga Pinoy na umuwi na mula sa Lebanon dahil sa painit na painit na giyera ng Hezbollah at Israel.
Kung hindi man sila umuwi, dapat umanong umalis sila sa Bekaa Valley, South Lebanon at Beirut at magtungo sa ibang bahagi ng Lebanon na ligtas sa pambobomba ng Israel.
Nakalulungkot isiping halos walang ipinagbago ang bilang ng mga nagpalista para umuwi ng bansa dahil nasa 1,000 pa rin.
Mas nais ng mga Pinoy na makipagsapalaran sa Lebanon kaysa umuwi ng Pinas dahil sa kawalan umano ng oportunidad na mabuhay nang disente o sa makataong kalagayan.
Higit nilang itinataya ang kanilang buhay sa dayuhang bansa kaysa sa atin.
Dapat na pag-isipan ito nang husto ng pamahalaan at gumawa ng hakbang na matugunan ang mga pangarap ng mga nangingibang-bansa.