MANILA, Philippines – Handa na para sa plenary approval ang mga panukalang batas ukol sa Presidential Merit Scholarship Program at National Land Use Act, ayon kay Sandro Marcos noong Pebrero 22.
Ito ay matapos aprubahan ng Committee on Appropriations ang pondo ng dalawang panukala na kabilang sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). Ayon kay Marcos, nalinis na rin ang mga ito sa kani-kanilang mother committees.
Kapag naendorso sa plenaryo ng House of Representatives of the Philippines, daraan ang mga panukala sa second reading at, makalipas ang tatlong session days, sa third at final reading.
Ang scholarship bill, na inisponsor sa Appropriations panel ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, ay magtatatag ng Presidential Merit Scholarship Program sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED). Layunin nitong mabigyan ng matatag na suporta ang mga academically outstanding senior high school graduates, nang hindi naaapektuhan ng pabago-bagong prayoridad ng pamahalaan.
Samantala, layon ng National Land Use Act na maglatag ng pambansang balangkas para sa maayos at sustenableng paggamit ng lupa, lumikha ng oversight body para maresolba ang land use conflicts sa iba’t ibang ahensya at antas ng pamahalaan, at magtakda ng konsultasyon mula rehiyon hanggang lungsod at munisipalidad.
Sinabi ni Marcos na walo na sa mga prayoridad ng LEDAC ang nasa advanced stages sa committee level. “Our focus remains on bills that directly affect education, health, food security and social protection, because these are the areas where legislation turns into something families can actually feel,” aniya.
“Kaya we make sure that we expedite the approvals of these LEDAC measures kasi alam namin na tunay na ginhawa ang hatid ng mga panukalang ito para sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Tututukan din ng Appropriations panel ang anim pang LEDAC priority measures: ang modernisasyon ng Bureau of Immigration; paglikha ng Independent People’s Commission; mga amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act; mga amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act; mga amyenda sa Magna Carta for Micro, Small, and Medium Enterprises; at panukalang i-reset ang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). RNT/MND