Home OPINION HATI-HATI SA PEOPLE POWER

HATI-HATI SA PEOPLE POWER

216
0

PETSA kahapon, Pebrero 22, nagsimula ang People Power noong 1986 at nagtapos ito noong Pebrero 25, 2025.

Pebrero 25, 1986, madaling araw nang ilipad ng helikopter ng mga Kano ang pamilya Marcos hindi sa Ilocos Norte kundi sa Guam, United States.

Unang dinala ang mga Marcos sa Clark Airfield, Pampanga at pagkatapos noon, idiniretso na sila sa Guam gamit ang dalawang eroplano.

Nagkakaisa noon ang halos lahat ng mamamayan para patalsikin ang diktaduryang Marcos na naghari mula Setyembre 21, 1972.

Ika-40 taon nang anibersaryo ang makasaysayang kilusang bayan ngayon.

LABAN SA MGA MAGNANAKAW

Bukod sa kalupitan ng martial law, nilabanan noon ng mga mamamayan ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan at itinuro nila ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr na ulo nila.

Ngunit makaraan ang pagpapatalsik sa mga magnanakaw na naglungga sa Malakanyang, mismong sa madaling araw makaraan ang pag-alis ng mga Marcos, nilusob din ng mga kawatan ang Malakanyang makaraang malagasan o mamatayan ang mga lumusob dito ng 14 katao at bukod pa ang mga nasugatan.

Ang paglusob ng mga kawatan dito ay naging tanda ng mga sumunod na paglusob ng mga kawatan pa rin hanggang sa mga araw na ito sa Malakanyang, ayon sa mga kritiko.

Kaya naman, nawalan na ng gana ang mga mamamayan para magsaya at gunitain ang People Power na iyon na sandalan ng kasaysayan laban sa mga malulupit na kawatan.

Sa mga araw na ito, gayundin kaya na nawalan ng gana ang mga mamamayan sa paggunita sa People Power sa 2026?

Ang sabi kasi nila, higit na masahol ang mga pagnanakaw ngayon kumpara noon.

Ito’y makaraang sumabog ang mga isyu sa kikbakan/nakawan sa flood control projects na lumawak na sa iba pang mga proyekto.

Naririyan ang mga ghost, substandard, putol-putol at overpriced projects ngunit hindi lang sa flood control projects kundi rin sa paggawa ng mga eskwela, tulay, tren at iba pa.

At maging ang mga salaping iniipon ng mga mamamayan, gaya ng P60 bilyon sa PhilHealth at P105 bilyon sa Philippine Insurance Deposit Corporation ay ninakaw rin.

Hindi lang ‘yan.

Ninakaw rin maging ang mga utang ng bansa sa loob at labas.

NGAYO’Y HATI-HATI

Lumalabas ngayong kanya-kanya ang pagiging bida ng mga lumaban kay Marcos noon at ang mga lumalaban kay Pangulong Bongbong Marcos ngayon na pinaratangan nilang magnanakaw rin.

Ang mga nagbibida-bidahan ay gustong angkinin kapwa ang EDSA Shrine at People Power Monument na magkalapit lang at itinayo sa EDSA.

Kaya sila nagkahati-hati ngayon.

Mayroon pang iba na nakikihati at bahala na kayong kumilala kung sino-sino sila.

Lalong nakikita ang pagkahati-hati sa paghalo ng halalang 2028 sa isyu sa mga nakawan noon at ngayon.

At may mga dayuhang kamay na kumukumpas din sa pagkahati-hati, maging sa darating na halalan.

Anak ng tokwa, saan nga pala tayo patungo sa gitna ng lahat ng ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here