MANILA, Philippines – ITINUTULAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang “stronger partnerships” sa pagitan ng mga government scientist at private manufacturers para i-develop ang pagsasaliksik sa tinatawag na mass-produced food technologies na makapagpapahusay sa nutrisyon at makapagpapalakas sa food security.
Nanawagan ang Pangulo matapos inspeksyunin ang operasyon ng Nutridense Food Manufacturing Corp. (NFMC) sa Sta. Barbara, Pangasinan, kung saan sinaksihan nito ang komersyalisasyon ng food technologies na dinibelop ng Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na may suporta mula sa DOST Small Enterprises Technology Upgrading Program (SETUP).
“The government is the one doing the R&D. Pati na ‘yung scaling para ‘yung nagawa sa laboratoryo ay puwede nang gawin in mass manufacturing,” ang sinabi ng Pangulo.
Ang hamon aniya ay hindi lamang ang idebelop ang teknolohiya sa government laboratories kundi maging dalhin ang mga ito sa production stage, kung saan maaari silang gawin at maabot ng mas maraming Filipino.
Sa pamamagitan ng SETUP, magbibigay ang DOST ng mga negosyo o proyekto na may ‘technology equipment support’ para paghusayin ang productivity at production capabilities.
“Nutridense has used the assistance, together with DOST-FNRI technologies, to expand its manufacturing operations,” ayon sa ulat.
Winika pa ng Pangulo na tinutulungan din ng gobyerno ang mga enterprises na makakuha ng makinarya na kakailanganin para itaas ang produksyon, payagan ang research-based food products na gumalaw na lampas sa laboratory development at mga programa na nagsisilbi sa komunidad.
Sa kabilang dako, kabilang sa mga produktong gawa sa Nutridense ay ang nutrient-enriched food na ibinibigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga eskuwelahan kabilang na ang mga produktong binalangkas para sa mga paaralan kabilang na ang mga produktong binalangkas para sa mg bata at mga nagdadalang-tao.
Tinukoy ng Pangulo ang paglago ng Nutridense bilang halimbawa ng potensiyal na epekto sa pag-uugnay sa government research kasama ang private-sector manufacturing.
Itinaas naman ng kompanya ang taunang produksyon mula sa dalawang milyon noong 2013 hanggang 10 milyon habang ang workforce nito ay lumaki din mula 7 empleyado ay mahigit sa 300 na.
Tinuran ng Pangulo na ang modelo ay lampas sa producing food, habang ang kompanya ay direktang humuhugot ng raw materials mula sa lokal na magsasaka.
“Hindi lang isang factory, hindi lang isang laboratory, kung hindi isang buong sistema ang ating binubuo para patuloy ang maganda ang magiging production at sa ganung paraan ay natutulungan nga natin ang ating mga kabataan na kumain ng tama at masustansya na pagkain,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Tinuran ng Pangulo na hangad ng gobyerno na gayahin ang kahalintulad na partnerships sa ibang panig ng bansa para itaas ang produksyon at palawakin ang access sa masustansyang pagkain.
“So, this is the kind of operation that we will continue to do, hindi lamang dito naman sa Pangasinan,” aniya pa rin. KRIS JOSE