MYANMAR – Isasagawa ng pamahalaang militar ng Myanmar ang ikalawang yugto ng kanilang multi-stage election sa Enero 11, ayon sa state media nitong Miyerkules, sa gitna ng mga batikos mula sa western nations, United Nations (UN), at mga human rights group na itinuturing itong isang “pekeng halalan.”
Nananatiling magulo ang politika sa Myanmar mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan noong 2021 coup, na nagpatalsik sa sibilyang pamahalaang pinamunuan ni Nobel laureate Aung San Suu Kyi, at nagpasiklab ng malawakang armadong paglaban.
Maraming pro-democracy party ang ipinagbawal o tumangging lumahok sa halalan, na ayon mismo kay Junta leader Min Aung Hlaing ay hindi maisasagawa sa buong bansa.
Gaganapin ang ikalawang yugto ng botohan dalawang linggo matapos ang unang yugto sa Disyembre 28, na sasaklaw sa 100 township kabilang ang ilang bahagi ng Yangon, ang komersyal na sentro ng bansa.
“I don’t think anybody believes that those elections will be free and fair,” ayon kay UN Secretary-General Antonio Guterres sa sidelines ng ASEAN summit nitong Lunes.
Ayon naman sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), wala itong kakayahang pigilan ang halalan sa Myanmar ngunit umaapela ang mga foreign minister nito na gawin ang botohan na makatarungan at inklusibo.
Patuloy namang humaharap ang junta sa malawak na paglaban mula sa mga ethnic army at mga bagong tatag na armadong grupo, na nakasakop na ng malalawak na teritoryo mula sa militar.
Batay sa ulat ng census noong Disyembre, nagawa lamang ng junta na magsagawa ng ground census sa 145 sa 330 township ng bansa, na tinatayang may 51.3 milyong populasyon.
Samantala, binuwag ng junta-appointed election commission dalawang taon na ang nakalipas ang partido ni Suu Kyi, ang National League for Democracy (NLD), kasama ang 39 pang partido dahil sa kabiguang magparehistro para sa halalan. RNT/JGC