MANILA, Philippines – Magpapadala ng security forces ang Commission on Elections (Comelec) sa kanilang data centers sa Mayo 12 upang masiguro ang kaligtasan at transparecy sa 2025 elections.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang multi-level security system ay pananatilihin sa kanilang tatlong data centers sa Makati at Paranaque na naglalaman din ng mga election server para sa May election.
Kasama sa security forces ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Ayon pa kay Garcia, walang basta-basta makapasok sa gusali nang hindi sila naka-rekord sa listahan ng Comelec lalo na sa mga palapag kung nasaan ang mga server.
Nakipagpulong na si Garcia sa kinatawan ng IT experts mula sa media, citizens arms, majority party, at minority party sa isa sa data centers ng Comelec sa Makati upang talakayin ang protocols at ma-brief sila sa bagong automated election systems (AES) features.
Nagsagawa rin ng walkthrough sa data center.
Nauna nang sinabi ng Comelec na inaasahan ang mas mabilis at mas malinaw na paghahatid ng mga resulta ng halalan sa mga botohan sa Mayo dahil kinontrata nito ang joint venture ng iOne at Ardent para sa Secure Electronic Transmission Services (SETs). Jocelyn Tabangcura-Domenden