Home NATIONWIDE Alyansa nag-alok ng solusyon sa progreso, hindi ‘divisive rhetoric’

Alyansa nag-alok ng solusyon sa progreso, hindi ‘divisive rhetoric’

MANILA, Philippines – NAG-ALOK ng malinaw na solusyon ang “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” senatorial slate upang himukin ang pambansang pag-unlad at hindi ang paghihiwalay o pagkakahati-hati o agresibong retorika.

Sa katunayan, sa isinagawang campaign rally ng Alyansa sa Plaza Libertad sa Tacloban City, Leyte, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang commitment ng administration-backed senatorial slate sa kaunlaran, kapayapaan at pagandahin ang buhay ng mga filiipno.

“Malinaw po ang direksyon ng aming Alyansa. Ito ay para sa kaunlaran, para sa kapayapaan, para sa pagpapaganda ng buhay ng bawat Pilipino at ng kanilang mga pamilya,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Inayawan naman ng Pangulo ang pananakot at maanghang na salita sa politika, binigyang diin na ang pamamahala ay dapat lamang na nakatuon sa resulta.

“Ang kailangan po natin para mag-unlad, ay hindi pananakot o paninigaw. Ang kailangan po natin ay solusyon hindi maiinit at maanghang na salita na wala namang katuturan, wala namang kabuluhan at wala namang kinalaman sa problemang hinaharap niyo araw-araw,” ang litaniya ng Pangulo.

Binigyang diin din ng Chief Executive ang diplomasiya sa pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas, pinanindigan nito ang kanyang commitment para mapigilan ang foreign power na maagaw ang isa mang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.

“Ipaglalaban din namin ang aming soberanya at karapatan sa pamamagitan ng diplomasya at dignidad. Hindi natin isusuko kahit isang pulgada ng ating teritoryo at hindi tayo kailangan sumunod sa kahit na sinong dayuhan,” aniya pa rin.

Sinabi pa ng Punong Ehekutibo na ibinabasura ng kanyang administrasyon at Alyansa-backed senatorial candidates ang karahasan sa pagpapatupad ng mga hakbang sa paglaban sa ilegal na droga at krimen.

“Sa laban naman kontra sa droga at sa krimen, hindi po natin kailangan dumaan sa madugong solusyon. Wala po sa amin ang naniniwala na ang solusyon sa krimen at sa droga ay pumatay ng libu-libo na kapwa nating Pilipino. Hindi po tama iyon,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos.

Itinulak naman ni Pangulong Marcos ang pagpapalakas sa law enforcement sa pamamagitan ng tamang legal frameworks at institutional support para sa mga pulis at local government units.

Muli namang inulit nito ang desisyon ng administrasyon na ipagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), tinukoy ang di umano’y pagkaka-ugnay ng mga ito sa ilegal na aktibidad.

Aniya, nakatuon ang pansin ng administrayson sa paglikha ng lehitimong employment opportunities sa halip na umasa sa mga industriya na may kuwestiyonableng epekto sa seguridad at katatagan ng bansa.

Ipinagmalaki naman ng Pangulo ang track record ng mga kandidato ng Alyansa sa pamamahala.

Ani Pangulong MArcos, walong kandidato ang nagsilbi sa Senado, pito naman sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, apat ay cabinet positions, tatlo ay gobernador at tatlo ay Alkalde.

Kaya nga, kumpiyansa ang Pangulo sa kakakayan ng Alyansa na pangunahan ang bansa tungo sa mas magandang kinabukasan.

“Eto po ang Alyansang grupo na ito ang magdadala ng mas magandang Pilipinas,” aniya pa rin.

Samantala, kabilang sa Alyansa ticket ay sina dating former Interior secretary Benhur Abalos; Makati City Mayor Abby Binay; incumbent Senators Ramon Revilla Jr., Pia Cayetano, Lito Lapid, Imee Marcos at Francis Tolentino; mga dating senador Panfilo Lacson, Manny Pacquiao at Vicente Sotto III; at House lawmakers Erwin Tulfo at Camille Villar.

Nagmula naman ang mga ito sa limang nangungunang political parties, kabilang na ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at National Unity Party (NUP). Kris Jose