Home NATIONWIDE Mas pinaigting na healthcare programs sa mga LGU isusulong ng Alyansa senatorial...

Mas pinaigting na healthcare programs sa mga LGU isusulong ng Alyansa senatorial bets

TACLOBAN CITY — Nanawagan ang mga senatorial candidates ng administration-backed Alyansa Para sa Bagong Pilipinas para sa mas pinalawig na suporta ng gobyerrno para sa mga local government units (LGUs) upang mapanatili ang mga super health centers.

Ang mga super health centers ay itinaguyod para makapagbigay ng pangunahing serbisyong-medikal kabilang ang mga konsultasyon, laboratory tests at mga minor procedures, na nagsisilbing alternatibo naman sa mga laging-punong mga ospital.

Gayunman, maraming LGUs ang hindi na ito mapanatili dahil sa kakulangan ng pondo at mga medical personnel.

Umapela ang mga kandidato sa Department of Health na rebisahin ang protekto ng super health centers lalo at marami sa mga ito ang hindi “operational”.

Sa ginanap na press conference sa Tacloban City kung saan isinagawa ang campaign rally ng Alyansa bets, sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na napupuwersa ang mga LGUs na magpatakbo ng mga super healthcare facilities kahit hindi kaya.

“Ang reason po kung bakit ‘yung mga LGUs ayaw ng super health center dahil ang gagawin po, tatayuan ng health center, ikaw na maghahanap ng doktor, ikaw maghahanap ng nurse, ikaw magme-maintain ng facility. Chances are ‘yung munisipyo na ‘yun or ‘yung LGU na ‘yun ay walang kapasidad,” paliwanag ni Binay.

“We have to stop this attitude of simply dumping projects on LGUs and telling them ‘bahala ka na sa buhay mo.’ Hindi pwedeng magtatayo lang ng infrastructure nang walang sapat na suporta para sa operasyon,” punto ni Binay.

Sinabi naman ni ACT-CIS Rep Erwin Tulfo na ang district hospitals ay hindi nama-maximize dahil sa kakulangan ng pondo, staff at medicine, kaya ilan sa mga LGUs ang nag-aalangan sa mga ganitong proyekto ng super health centers.

Nais ni Tulfo na dapat ang DOH ang direktang magsu-supervise sa mga super health centers mula sa mga tao nito hanggang sa mga medical supplies.

“Dapat DOH mismo ang magpatakbo ng health centers—kasama ang doktor, gamot, lahat. Kung hindi, wala ring kwenta ang pagtatayo ng bagong pasilidad,” sabi ni Tulfo.

Si dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, sinabing papalpak ang Universal Health Care Act dahil sa kakulangan ng pondo at maling pagpapatupad.

“Budget ang lifeline ng ating healthcare system. Walang silbi ang batas kung hindi ito fully funded,” ani Lacson.

Nangako ang mga ‘Alyansa’ candidates na isusulong ang pagdaragdag ng pondo at fully functional na healthcare system para tiyaking maseserbisyuhan ng mga LGUs ang kanilang mga nasasakupan. Gail Mendoza