Home NATIONWIDE Seguridad sa mga Korean sa Pinas, paiigtingin

Seguridad sa mga Korean sa Pinas, paiigtingin

MANILA, Philippines – Nagkasundo ang Pilipinas at South Korea na palakasin pa ang seguridad para sa mga Korean national na bumibisita at naninirahan sa bansa.

Ito ay matapos na makipagpulong ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na pinangasiwaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sa mga representative ng Korean consulate at United Korean Community Association in the Philippines nitong Biyernes, Mayo 16.

Sa pahayag, sinabi ng Palasyo na ang diskusyon ay nakatutok sa paghanap ng mga paraan para matugunan ang tumataas na krimen laban sa mga Korean national dito sa Pilipinas.

Ipinresenta ni PAOCC Executive Director Gilberto Cruz ang plano ng pamahalaan na palakasin ang seguridad at kaligtasan ng mga residente ng Korea sa bansa.

Kabilang sa mga hakbang ang ‘revitalization’ ng Tourist Security Desk, isang specialized unit na layong magbigay ng police visibility at palakasin ang koordinasyon sa mga awtoridad para sa proteksyon ng mga dayuhan sa anumang oras.

Palalakasin din ang monitoring ng mga key localities gaya ng Angeles City sa Pampanga, maging sa Maynila at Cebu.

“These initiatives highlight PAOCC’s unwavering commitment and dedication to dismantling organized crime and suppressing criminality nationwide, reinforcing its pivotal role in upholding peace and order and public safety,” sinabi ng Palasyo.

Nagbigay naman ng suhestyon si Sand Seung-Man, Deputy Chief Mission and Consul General ng Embassy of the Republic of Korea, ng international police cooperation at intelligence gathering framework, maging ang pagpapalakas sa mga awtoridad sa Pilipinas.

Matatandaan na noong Abril 20 ay binaril-patay ang isang Korean national malapit sa isang banko sa Korea Town sa Angeles City. Iniugnay ang krimen sa pagnanakaw.

Nag-alok ng P200,000 pabuya ang Korean Association Community ng Angeles City sa makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng mga suspek. RNT/JGC