MANILA, Philippines – Umaasa ang nasa sektor ng agrikultura na mabigyan ng malaki o mataas na badyet ng Department of Agriculture (DA) upang matugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayang Filipino.
Sa isang pulong sa Maynila, sinabi ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP), convenor at nagbabalik sa Kongreso na si Rep. Nicanor Briones, kung gusto ng gobyerno na magkaroon ng food security ay dapat tapatan nito ang pondo.
Binigyang-diin ng mambabatas na malaki ang pangangailangan sa agrikultura, tulad ng bigas, irigasyon, mga post harvest facilities, rice milling at iba pa na dapat aniyang suportahan ng gobyerno.
Paliwanag pa ng mambabatas, maibababa lamang ang mataas na presyo ng livestock, manok at itlog kung dadami ang suplay at matutulungan ang sektor ng agrikultura.
Panawagan ni Briones kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung ang nais ay unahin ang sektor ng agrikultura at gustong magkaroon ng food security at sapat na pagkain ng pamilyang Filipino, kailangan aniyang dagdagan ang pondo ng DA.
“Hindi puwedeng mangyari tulad ng sinasabi na unang matutulungan ang mamayan na magkaron ng murang de kalidad na pagkain kung kulang naman badget,” giit ng mambabatas.
Ayon kay Briones, ang hinihingi na budget ng DA ay P500 bilyon ngunit nasa higit P200 bilyon lamang ang ibinigay sa nagdaang budget hearing.
“Hindi naman magkakaroon ng ganung budget na hinihingi ng Department of Agriculture kung sa paningin nila –yun ang kailangan para matugunan ang lahat ng dapat gawin o suporta sa sektor agrikultura kung sa pag-aaral nila ay di dapat ganun ang budget,” pahayag pa ng AGAP.
Tinutukoy ni Briones ang usapin sa proposed national budget para sa 2026 kung saan inaasahan na 10% lamang ang madadagdag sa pondo sa agrikultura.
Dapat aniya ay 30% increase ang budget mula ngayong taon hanggang 2026 dahil ang malaking pinoproblema ngayon ay ang pagkain.
“Kung di magkakaroon ng malaking budget huwag na tayo mangarap na magkakaroon tayo ng sapat na pagkain–yung kaya ng ating mamamayan,” saad pa ng solon.
Sinabi pa ni Briones na nasa pang-anim na lamang ngayon sa binibigyan ng pondo ang DA na dati rati, ito ay nasa pangalawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden