MANILA, Philippines- Sa halip na matakot sa limang kalaban, ipinakita ng isang security guard ang kanyang katapangan, kung saan napatay niya ang isa sa limang magnanakaw na nanloob sa kanilang establisimiyento sa isang shootout sa Makati City.
Hinangaan ng Philippine National Police (PNP) ang katapangan ng security guard at nitong Miyerkules ay ginawaran siya ng Medalya ng Kadakilaan (Heroism Medal) para sa shootout na nagresulta sa pagkasawi ng pinuno ng Brondial Criminal Group.
Si Police Maj. Gen. Edgar Alan O. Okubo, direktor ng PNP-Civil Security Group, ang nagkabit ng medalya sa security guard sa isang seremonya sa Camp Crame sa Quezon City.
“The Medalya ng Kadakilaan was awarded for his dedication to his service and the courage he showed against the five armed men which resulted in the death of the leader of the Brondial Criminal Group,” wika ni Okubo.
Sinalakay ng grupo ang establisimiyento kung saan nagtatrabaho ang security guard noong Agosto 14 sa Makati City.
Batay sa police report, pinasok ng mga suspek ang tindahan at nagdeklara ng hold-up. Nagtungo ang dalawa sa mga kawatan sa ikalawang palapag ng establisimiyento habang nanatili ang tatlo pa sa ground floor.
Nabaril ng security guard ang mga suspek na natakot nang matunugan ang mga rumerespondeng pulis.
“We hope that he will serve as a model in showing honesty, bravery, and integrity to other security guards,” ani Okubo. RNT/SA