Home METRO Sekyu tepok sa karelyebong sekyu

Sekyu tepok sa karelyebong sekyu

215
0

MANILA, Philippines Dedo ang isang sekyu matapos barilin nang dalawang beses ng kapwa sekyu makaraan ang komprontasyon sa Caloocan City.

Kaagad binawian ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre .9mm sa katawan ang biktimang si alyas “Sonny”, 48, residente ng M. Fernando St., Tangos South, Navotas City.

Nakapiit naman ngayon sa Caloocan City Police Station ang suspek na si alyas “Joseph”, 41, residente ng Kaunlaran Village, Brgy. 8, Caloocan City.

Sa report nina PSSg Deojoe Dador at PSSg Randy Magastino kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, dakong alas-8:20 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng isang sangay ng bantog na drugstore sa kanto ng A. Mabini St. at C-3 Road, Brgy. 23 ng lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon, pinalitan ng suspek ang biktima bilang karelyebo sa kanilang binabantayang botika kaya isinoli na nito ang service firearm at nagtungo sa kanilang rest area para magbihis.

Nang mag-ikot ang suspek dakong alas-7:45 ng umaga, napansin niyang natutulog at hindi pa umuuwi ang biktima sa rest area na bawal sa panuntunan ng kompanya, kaya ginising niya ito at pinagsabihan na umuwi na.

Sa halip na sumunod, pinagsalitaan pa umano ng hindi maganda ng biktima ang karelyebo na nauwi sa komprontasyon hanggang paluin ng suspek sa ulo ang biktima, na dahilan ng pagkasugat sa ibabaw ng kaliwang mata.

Habang nakayuko sa lakas ng hataw, binato pa ng biktima ng container ang suspek na naging dahilan upang bunutin nito ang service firearm at dalawang ulit na paputukan ang kasamahan.

Matapos ang insidente, kusang-loob na sumuko sa pulisya ang suspek dala ang ginamit na service firearm sa pamamaril sa biktima. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here