MANILA, Philippines – Itinakda ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang selebrasyon ng LGBTIQ+ Pride Month na may temang “Pasay Rainbow Ball 2025” sa darating na Hunyo 27 (Biyernes).
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang selebrasyon ay sisimulan ng isang pride parade ng alas 4:00 ng hapon sa Barangay 66 sa panulukan ng Arnaiz Avenue kungn saan magtutungo ito sa Park Avenue at Galvez Street, magpapatuloy sa kahabaan ng F.B. Harrison hanggang sa makarating sa Derham Park at Cuneta Astrodome kung saan gaganapin dito ang ballroom culture ng alas 6:00 ng gabi na libre ang entrance sa lahat ng mga nais manood.
Ang paglahok ay bukas para sa lahat ng mga indibidwal na LGBTQIA+ na nasa edad 18 pataas.
Ang lahat ng mga dadalo sa naturang okasyon ay hinihimok na magsuot ng mga magara, masigla, glamoroso at unique na kasuotan at para naman makasali sa ipagkakalooob na mga papremyo ay kinakailangan na makumpleto ang buong ruta ng isasagawang parada.
Ang grupo na may pinakamaraming kalahok ay makatatanggap ng P10,000 habang ang mamamayani na fashion star sa parada ay mag-uuwi ng P5,000 at ang runner-up naman ay pagkakalooban din ng P3,000.
Ang ballroom competition ay mayroong limang kategorya: Barbie/Ken Realness; Trolls Alert; Heat It Baby One More Time; Marites/Tolits Fantasy, at Pink Eleganza.
Makatatanggap ang grand champion sa ballroom competition ng tumataginting na P30,000; P20,000 para sa second place; P15,000 sa third place; habang P2,000 naman para sa pinakamahusay sa bawat kategorya. James I. Catapusan