MANILA, Philippines – Opisyal nang isinama si Ronald dela Rosa sa wanted persons list ng International Criminal Court matapos i-unseal ng tribunal nitong Lunes ang warrant of arrest laban sa senador kaugnay ng umano’y papel nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa warrant, kinilala ng ICC Pre-Trial Chamber 1 si Dela Rosa “as an alleged indirect co-perpetrator pursuant to article 25(3)(a) of the Statute for the crimes against humanity within the Court’s jurisdiction of murder and attempted murder(articles 7(1)(a) and 23(3)(f) of the Statute), committed in the Philippines between 1 November 2011 and 16 March 2019.”
Saklaw ng naturang panahon ang umano’y summary killings noong alkalde pa ng Davao City si dating Pangulong Rodrigo Duterte at kalaunan sa kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon. Nagsilbi noon si Dela Rosa bilang Davao City police chief at naging hepe rin ng Philippine National Police sa ilalim ni Duterte.
Tinukoy ng ICC si Dela Rosa bilang “at large” sa listahan nito. Kabilang din sa listahan si Duterte, na nasa ICC custody, at si Benjamin Netanyahu na nakalista rin bilang at large.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Dela Rosa, inaasahan na nila ang pagkakasama ng senador sa wanted persons list.
Noong Nobyembre 2025, sinabi ni Jesus Crispin Remulla na nakita nito ang ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa, na itinuturing na pangunahing tagapagpatupad ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Nagbalik sa Senado si Dela Rosa nitong Lunes sa unang pagkakataon matapos ang pahayag ni Remulla at nananatili ngayon sa ilalim ng protective custody ng Senado. RNT