Home TOP STORIES Sen Mark: Mental health ng mga kabataan, dapat na mapag-usapan

Sen Mark: Mental health ng mga kabataan, dapat na mapag-usapan

3
0

MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Senador Mark A. Villar na paigtingin ang kamalayan at mga programa para sa mental health sa mga paaralan, iginiit na ang pangangalaga sa emosyonal at sikolohikal na kalagayan ng mga estudyante ay mahalagang hakbang upang maiwasan ang mga trahedya at makalikha ng mas ligtas na kapaligiran sa pag-aaral.

Inihayag ito ng senador kasunod ng mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga menor de edad, na nagdulot ng matinding pangamba sa mga magaaral at kanilang mga magulang.

“Ang mga pangyayaring ito ay isang paalala na hindi lamang pisikal na seguridad ang kailangan nating palakasin sa ating mga paaralan. Kailangan din nating tiyakin na may sapat na suporta para mental health ng ating mga estudyante,” ani Senador Villar.

“Kapag may maayos na sistema ng paggabay at sapat na access sa mental health services, mas mabibigyang-pansin ang mga pinagdaraanan ng ating mga kabataan at mas maaga silang matutulungan at magagabayan,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Villar ang pangangailangang palakasin ang mga support system sa loob ng mga paaralan, at sinabing hindi lamang dapat nakatuon ang mga ito sa pagbibigay ng edukasyon kundi maging sa pagtulong sa mga estudyante sa pagharap sa kanilang personal, emosyonal, at panlipunang mga hamon.

Kaugnay nito, muling itinampok ng senador ang kanyang Senate Bill No. 2133, o ang Students’ Guidance and Counseling Act, na naglalayong palakasin ang mga programa sa guidance and counseling sa mga institusyong pang-edukasyon sa pamamagitan ng pagtiyak ng sapat na bilang ng mga kuwalipikadong guidance personnel, pagpapalawak ng access sa mental health services, at pagsasabatas ng mga programang nakatuon sa maagap na pagtukoy at pagtugon sa mga suliraning kinahaharap ng mga estudyante.

“Ang guidance office ay hindi lamang dapat puntahan kapag may disciplinary concern. Dapat itong maging isang lugar kung saan komportableng lumalapit ang mga estudyante upang humingi ng payo, magbahagi ng kanilang pinagdaraanan, at makatanggap ng tamang paggabay.” sabi ni Villar

Iginiit din ni Senador Villar na ang pagtataguyod ng maayos na mental well-being ng mga estudyante ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos ng mga pamilya, paaralan, mga mental health professionals, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno.

“Responsibilidad nating mga nakatatanda na lumikha ng isang kapaligirang ligtas, may malasakit, at may mga taong handang makinig, gumabay, at umalalay sa ating mga kabataan—pisikal, mental, at emosyonal. Sa ganitong paraan, mas mabibigyan natin sila ng pagkakataong lumaki nang may kumpiyansa, katatagan, at pag-asa,” pagtatapos ni Senador Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here