
ANO ang ibig sabihin para sa isang lingkod-bayan kapag sinabihan nang “Ikaw na!” ng isang mas nakatataas na lingkod-bayan?
Kapag sinabing “Ikaw na!” sa ingles ang kahulugan nito ay “You’re The Man”. At ang katagang iyan ang binitiwan ni Senator Raffy Tulfo kay National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez, Jr.
“Ako ay sumasaludo kay Gen Jose Melencio Nartatez, Jr., Sir, ikaw na!” ang wika ng mambabatas sa kanyang programang Raffy Tulfo in Action sa palabas nito na ang segment at may titulong ‘Pulis na Namaril sa Maynila, Nadisarmahan na!”
Bukod sa pasasalamat ng mambabatas kay Nartatez dahil sa mabilis na aksyon nito kaugnay sa pagkakapaslang ng miyembro ng Manila Police District-Abad Santos Police Station sa isang lalaki na umano’y nakarelasyon ng partner ng suspek, maging ang pamilya ng biktima – ina at live-in partner, ay nagpasalamat din kay Nartatez.
Nang mapaslang ng pulis na si PSSg Jerard Ver Avilles ang biktimang si Aaron Namucod ay hindi kaagad ito nakasuhan kaya naman nakagagala pa habang nakasukbit ang baril nito.
Ayon sa pamilya, bagaman nakita ng ilang kasama ni Aviles ang pangyayari, walang hakbang na ginawa ang mga ito na tila tino-tolerate pa ng mga ito ang ginawa ng kanilang kasama.
Sinabi ng pamilya ng biktima na lumapit sila sa programa ng senador sapagkat natatakot sila dahil ang ama ng suspek ay retired police na dating miyembro ng Internal Affairs Service.
Nang ilapit ang kaso kay Nartatez, mabilis na ipinag-utos nito ang pagsasampa ng kaso kabilang ang administrative case kaya naman mabilis na nadisarmahan ang pulis kasabay nang pag-confine sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig.
Kaya naman ganoon na lang ang pasasalamat ng pamilya ng biktima kay Gen. Nartatez at Sen. Tulfo na kapwa handang magserbisyo sa mamamayan lalo na sa mga napang-iilaliman.
Gayunman, para kay Juan de Sabog si Nartatez, base sa kanyang performance, ay tama lang na sabihang “You’re the Man.” Bakit? Kasi, puro trabaho at serbisyo ang ginagawa niya. Sa mga regional director sa buong bansa, bukod tanging si Tateng ang nag-utos ng “no take policy.”
Saludo halos lahat kay Gen. Nartatez dahil sa pagiging totoong “action man.” Kaya naman marami – pulis, media, negosyante, opisyal ng pamahalaan at higit sa lahat ay mamamayan na nakakikilala sa heneral, inakala na siya na ang magiging top cop ng Philippine National Police.
Lamang, marami sa mga umaasang ito ang nabigo. Pasalamat pa rin naman ang mga nasa Metro Manila o National Capital Region lalo na ang mga opisyal ng local government unit dahil alam nilang maganda ang katatayuan ng peace and order ng kanilang nasasakupan sa presensiya at paninilbihan ng madisiplinang opisyal ng PNP.
Saludo sa iyo Gen. Tateng. Ikaw na! Ikaw na ang dapat maupo bilang top cop ng PNP.