Home NATIONWIDE Senate executive session ni Mayor Guo itinakda sa June 5

Senate executive session ni Mayor Guo itinakda sa June 5

Kuha ni Cesar Morales l Remate File Photo

MANILA, Philippines – Itinakda ng Senado sa Hunyo 5 ang executive session o private hearing upang pag-usapan ang mas marami pang sensitibong isyu patungkol sa kontrobersyal na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.

Ito ang inanunsyo ni Senador Risa Hontiveros nitong Huwebes, Mayo 30, kung saan sa nakalipas na 2 public hearings ay tinutukan nito ang kaugnayan ni Guo sa POGO at ang kanyang kwestyonableng identity.

“Inimbita namin doon ang government agencies, lalo na yung ating intelligence agencies na nagsabing mas malalim pa ito[ng issue] kaysa sa lumabas sa hearing,” sinabi ni Hontiveros sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.

Ani Hontiveros, inimbitahan nila ang Department of Justice, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at Bureau of Internal Revenue, kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan.

“Iniimbestigahan yung mga anggulo na diumano mayroong surveillance activity sa Philippine government communications ang ginagawa daw sa Bamban at meron din daw mga pag-hack ng ilan sa mga government websites natin na nagmumula daw sa Bamban.”

Nakatakda ring imbestigahan ang pananagutan ng PAGCOR lalo na’t pinuna rin ng mga senador kung bakit hindi nito iniulat ang mga illegal na aktibidad na may kaugnayan sa mga POGO sa Bamban.

Matapos ang executive session, magkakaroon ng isa pang public hearing ang komite. RNT/JGC