Naghain ng isang panukalang resolusyon si Senador Risa Hontiveros upang paimbestigahan ang G-Cash sa pagkawala ng pera ng subscriber at iba pang mobile financial services kabilang ang ilang scam at hacking sa mobile wallet.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na opisyal nang iimbestigahan ng Senado ang patong-patong na scam at di-awtorisadong transaksyon sa ilang mobile financial services tulad ng GCash at PayMaya.
Sa panukalang Senate Resolution No. 1234, iginiit ni Hontiveros na dapat suriin ng Senado ang kasalukuyang patakaran sa fintech, at kakulangan ng batas para sa proteksyon ng mga Pilipinong gumagamit ng digital wallet.
Ayon kay Hontiveros, “Mobile financial services have become a part of daily life for millions of Filipinos, and the fintech sector has been an important driver of economic growth and financial inclusion. GCash alone has an estimated 76 million users who posted P6 Trillion worth of transactions in 2022 – that is almost equal to our national budget next year.”
“Napakarami ang nakikinabang sa mobile financial services, lalo na yung mga “unbanked” o walang kakayahan na magbukas ng account sa bangko. Kailangan natin ng batas na poprotekta sa kapakanan ng bawat Pilipino na gumagamit ng digital wallets, lalo na kung may scam, hacking o ibang regularidad,” dagdag niya.
Isa sa mga insidente na binanggit sa resolusyon ang kaso ng misteryosong transaskyon at paglipat ng pera mula sa GCash account sa hindi kilalang numero.
Paliwanag ng G-Xchange Inc., operator ng GCash, error sa “ongoing system reconciliation process” ang sanhi ng mga transaksyon, at kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi external hacking ang nangyari.
Pero ayon kay Hontiveros, may mga kahalintulad na phishing attacks noong 2023 na tumarget sa GCash accounts sa pamamagitan ng online gambling platforms.
Naunang hiniling ni dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan na paimbestigahan ng Senado ang G-Cash matapos mawala ang pinaghirapang pera ni Pokwang at ilang pang simpleng mamamayan.
Kabilang sa ilang insidente sa paggamit ng G-Cash ang hindi natatanggap ng merchant o tindahan ang bayad na ipinadala galing sa naturang mobile wallet na kailangan pang maghintay ng 20 business day upang resolbahan ang isyu.
Binanggit din ng senadora ang babala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko hinggil sa mga phishing scam na nagpapanggap na official text mula GCash o PayMaya, gamit ang IMSI catcher – isang device na kayang magpanggap na cell site para manmanan ang data traffic ng mobile users.
“The list of risks and complications which threaten the earnings of mobile financial service users grows longer every day. We urgently need upgraded laws to ensure that mobile financial service providers and fintech firms observe the necessary level of care and accountability in handling digital transactions.” diin ni Hontiveros.
“Kailangan natin aksyunan ang daing ng mga kababayan nating biktima ng scam o hacking sa mobile financial services, na tila walang mahingan ng tulong sa pagbawi ng natangay nilang pera. We must implement a system that enhances regulatory oversight over the fintech sector, so Filipinos can trust that their hard-earned money is safe – even online,” pagtatapos ni Hontiveros. Ernie Reyes