MANILA, Philippines- Pagkatapos ng apat na buwan, nakatakda nang tapusin ng Senate Committee on Women ang imbestigasyon sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) kabilang ang lahat ng pagkakakilanlan ni dismissed Mayor Alice Guo, o Guo Huang Ping sa tunay na pangalan.
Inihayag ni Senador Risa Hontiveros, chairman ng komite na nakatakda nang tapusin ang imbestigasyon sa susunod na Martes, Setyembre 24, 2024.
“Tuesday next week is the continuation of POGO hearing in Committee on Women. Inaasahang ito na ang last sa POGO hearing,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi ng mambabatas na nakatakdang itutok ang imbestigasyon kay Pastor Apollo C. Quiboloy na dinakip nitong nakaraang linggo matapos ang ilang araw na pagtatago sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City.
Nagsimula ang imbestigasyon sa illegal POGO at kay Alice Guo nang matuklasan ang ilang krimen na nagaganap sa ilang kompanya sa Bamban, Tarlac kabilang ang pagkakatuklas sa tunay na pagkakakilanlan ni Alice Guo, isang Chinese national.
Mahigit 300 dayuhan ang nasagip sa loob ng illegal POGO sa Tarlac at may ilan pa sa Porac, Pampanga.
Humarap si Alice Guo sa imbestigasyon kung saan natuklasan ang pekeng pagkakakilanlan nito partikular ang ginagamit na birth certificate sa pagkuha ng pasaporte at Certificate of Candidacy.
Patong-patong na kaso ang isinampa laban kay Alice Guo kasama ang sinasabing kapatid nito na sina Shiela Guo at Wesley Guo. Nadakip sila sa Indonesia matapos tumakas sa Pilipinas.
May ilang personalidad at opisyal sa Pilipinas ang iniimbestigahan ng Senado at ilang ahensya ng pamahalaan kabilang ang alkalde ng Sual, Pangasinan at dating hepe ng PNP na tumulong kay Alice Guo na tumakas. Ernie Reyes