Home NATIONWIDE Senate reso sa EMBO barangays pinairal ng Comelec

Senate reso sa EMBO barangays pinairal ng Comelec

MANILA, Philippines- Pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) ang resolusyon ng Senado na naglalayong isama ang Enlisted Men’s Barrios (EMBO) barangays bilang bahagi ng dalawang legislative district ng Taguig City para sa Eleksyon 2025.

Sa inilabas na memorandum nitong Biyernes, sinabi ng Comelec na ang Senate Concurrent Resolution No. 23 ay “consistent with Comelec Resolution No. 11069” na nagtalaga ng 10 EMBO barangay sa una at ikalawang distrito at pinataas ang bilang ng mga pwesto para sa Sangguniang Panlungsod na mula walo ay naging 12.

Idineklara ng Comelec ang mga sumusunod na district assignments:

First Legislative District

  • Comembo

  • Pembo

  • Rizal

Second Legislative District

  • Cembo

  • South Cembo

  • East Rembo

  • West Rembo

  • Pitogo

  • Post Proper Northside

  • Post Proper Southside

Ginawa ang bagong memorandum upang amyendahan ang Resolution No. 11050 sa paglalaan ng mga pwesto ng Sangguniang Panlungsod para sa Taguig City.

Binanggit ng Comelec sa memorandum na ang desisyon ay ginawa upang hindi “ma-disfranchise” ang mga rehistradong botante ng EMBO barangays.

Noong 2021, idineklara ng Korte Suprema na ang Fort Bonifacio Military Reservation, na binubuo ng parcels 3 at 4, psu-2031, at ang 10 apektadong barangay ay bahagi ng teritoryo ng Taguig City. Ang mga barangay ay dating bahagi ng Makati City. Jocelyn Tabangcura-Domenden