Home METRO Senglot na parak isinelda sa panghihimasok sa tahanan, pananakit ng menor-de-edad

Senglot na parak isinelda sa panghihimasok sa tahanan, pananakit ng menor-de-edad

MANILA, Philippines- Arestado ang isang police staff sergeant matapos mahagip sa isang viral video na pwersahang nanghihimasok sa isang bahay sa Quezon City at nananakit ng isang menor-de-edad, base sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Nasa impluwensya umano ng alak ang nasabing pulis nang manghimasok sa isang bahay sa kahabaan ng Caragay Street sa Barangay Damayan ilang sandali makalipas ang hatinggabi ng April 21 at nakipagtalo sa mga residente, base sa NCRPO nitong Martes.

Hinuli ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 2 ang pulis dahil sa panghihimasok sa tahanan at paglabag sa Republic Act 7610, kilala rin bilang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

“He (the officer) was immediately disarmed of his service firearm and was placed under police custody,” pahayag ng NCRPO.

“Appropriate complaints are now being prepared by the arresting officers for immediate filing of complaints to the Department of Justice,” dagdag nito.

Binanggit ng kapulisan na nakuhanan ng video ng complainant ang insidente at ipinost ito sa social media. RNT/SA