MANILA, Philippines – PATAY ang isang lola at sugatan naman ng anak nitong driver matapos tumilapon nang magsalpukan ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isa pang motorsiklo kahapon ng umaga, Hunyo 17, sa Valenzuela City.
Patay na pagsapit sa Valenzuela Emergency Hospital ang biktimang si Luzviminda Libatique, 63, government employee at residente ng Northville 2, Brgy. Bignay habang ginagamot naman sa naturang pagamutan ang kanyang anak na nagmamaneho ng motorsiklo, at isa pang rider na kanilang nakabanggaan.
Mahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property
ang 42-anyos na guro sa pampublikong paaralan na si alyas “Irene.”
Sa ulat ni Valenzuela Police Officer-in-Charge P/Col. Gerson Bisayas, tinatahak ng motorsiklong sinasakyan ng mag-ina ang kahabaan ng Narciso St. Brgy. Canumay East patungong Paso De Blas dakong alas-6:30 ng umaga nang masagi sila ng nag-overtake na Toyota Rush sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng guro.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang rider at nabangga nila ang kasalubong na isa pang motorsiklo na dahilan upang tumilapon ang mga biktima habang tumakas naman ang SUV na minamaneho ng suspek.
Isinugod ang mga biktima sa nasabing pagamutan subalit, idineklarang patay ang lola habang nadakip naman ng pulisya ang suspek sa follow-up operation sa Brgy. Bignay dakong alas-4:30 ng hapon. Merly Duero