Home METRO Serbian nat’l na wanted sa droga ipatatapon ng BI

Serbian nat’l na wanted sa droga ipatatapon ng BI

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Serbian national na wanted ng federal authorities sa US dahil sa pagbebenta ng iligal na droga, sa isinagawang operasyon sa Angeles City, Pampanga.

Sa isang ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng fugitive search unit (FSU) ng BI ang pugante na si Predrag Mirkovic, 60-anyos, na naaresto noong Abril 25 sa loob ng isang bar sa Angeles City.

Inaresto umano si Mirkovic sa bisa ng isang mission order mula kay Tansingco sa kahilingan ng gobyerno ng Estados Unidos na nagpaalam sa BI tungkol sa kaso ng droga ng Serbiano sa Amerika.

Ipinakita ng mga awtoridad ng US na si Mirkovic ay may natitirang warrant of arrest na inisyu ng isang district court sa Maryland kung saan siya ay kinasuhan ng conspiracy to possess and distributed substances na paglabag sa US penal code.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, nakatanggap din ang BI ng letter-complaint mula sa isang concerned citizen na umano’y sangkot si Mirkovic sa pangangalakal ng ilegal na droga sa Angeles City.

Hiniling umano ng complainant sa BI na i-deport si Mirkovic na inilarawan niya bilang isang undesirable alien.

Ibinunyag din ni Sy na ang isang warrant para sa pag-aresto sa Serbiano ay inilabas din ng regional trial court-family court sa Calamba, Laguna.

Ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9262, o ang anti-violence against women act, ay inihain umano sa nasabing korte laban kay Mirkovic ng kanyang Filipina partner.

Mananatili si Mirkovic sa pasilidad ng BI sa Taguig sa panahon ng kanyang deportation proceedings. Jay Reyes