Home NATIONWIDE Serbisyo ng PrimeWater pinaiimbestigahan sa Kamara

Serbisyo ng PrimeWater pinaiimbestigahan sa Kamara

MANILA, Philippines – Hiniling sa Kamara ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga joint venture agreement (JVA) ng PrimeWater Infrastructure Corporation at mga lokal na water district sa bansa, bunsod ng mga ulat ng palpak na serbisyo.

Sa House Resolution 22 ni Zambales Rep. Jefferson Khonghun, iginiit niyang kailangan suriin ang epekto ng mga kasunduang ito sa kalidad ng tubig na naihahatid sa publiko.

Ang PrimeWater, pag-aari ng Prime Asset Ventures Inc. na kontrolado ni Paolo Villar, kapatid nina Senators Mark at Camille Villar, ay may mga JVAs sa maraming water districts gaya ng Subic sa Zambales, Bulacan, Cavite, Camarines Norte, at Pampanga.

“Numerous reports and public testimonies have highlighted persistent inefficiencies in water supply and service delivery under PrimeWater’s management, including prolonged service interruptions, low water pressure, delayed leak repairs, and failure to fulfill infrastructure development commitments,” ayon sa resolusyon.

Binanggit din na ang mga kapalpakan sa operasyon at ilang corporate practices ay nagdudulot ng pangamba kung akma ba ang ganitong public-private partnership, lalo na kung nauuna ang kita sa kapakanan ng publiko.

Nauna nang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na imbestigahan ang PrimeWater, at naipasa na ng ahensya ang ulat sa Malacañang ngayong linggo.

Gayunman, habang hinihintay ang tugon ng Pangulo, sinabi ni Khonghun na patuloy ang reklamo ng mga residente ng Subic dahil sa madalas na emergency disruptions noong Abril 2025, kung saan umabot sa halos isang araw ang pagkawala ng tubig sa ilang barangay.

Kaugnay nito, inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Subic ang Resolution No. 29 na humihiling sa Subic Water District na tuluyang putulin ang JVA nito sa PrimeWater dahil sa paulit-ulit na kapalpakan at reklamo ng publiko.

Ayon kay Khonghun, ito ay nagpapakita ng lumalaking pagkadismaya ng mga lokal na pamahalaan sa privatized utilities at ng pangangailangang paigtingin ang accountability at oversight sa ganitong kasunduan.

Noong Hunyo 11, sinabi ng Palasyo na nangako ang PrimeWater na aayusin ang pump stations sa Bulacan para matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa mga paaralan.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng PrimeWater na nirereporma na nila ang Barihan pumping station na biglang bumaba ang produksyon mula 12 liters per second tungo sa anim na liters kada segundo mula Hunyo 9. RNT/JGC