Home OPINION SERBISYO SA MGA KABABAYAN ITUTULOY NI DABOY

SERBISYO SA MGA KABABAYAN ITUTULOY NI DABOY

MATAPOS ang mahigit 30 taon na mabunga’t maningning na serbisyo ay nilisan na ni PBGen Jose ‘Daboy’ Hidalgo Jr., ang Pambansang Pulisya.

Epektibo Oktubre 1, sibilyan nang maituturing si Hidalgo matapos magdesisyong magretiro bago pa man ang kanyang mandatory age of retirement na dapat ay sa Hulyo nang susunod na taon.

Produkto ng prestihiyosong Philippine National Police Academy – Class ’91 (Tagapagkalinga), ‘illustrious’ ang buhay pulis ng tinaguriang ‘Rudy Fernandez’ ng PNP.

Mula sa panimulang ranggong tenyente paglabas sa academy ay nasabak na agad ito sa iba’t ibang pagsubok  – sa larangan ng imbestigasyon at intelligence work.

Sa pagiging lider ay hindi rin matatawaran ang naging mga accomplishment ng mga pinamunuang operating units na  nagdala ng karangalan sa police organization.

Sa Northern Police District na minsang pinamunuan ay hindi maitatatwa ang mga isinagawang reporma, ganoon din ang mga isinakatuparang  anti-crime strategy.

Mula sa NPD o  CaMaNaVa ay dinala at ipinagpatuloy ni Hidalgo ang mayaman nitong kaisipan sa paglaban at pagresolba ng kriminalidad sa Police Region 3 o Central Luzon.

Nguni’t  nagretiro man sa pulisya na unang piniling pagsilbihan,  pero tila walang balak huminto o magretiro ang ‘batang Cuyapo’ sa pagiging public servant.

Dahil mula sa PNP ay nais ipagpatuloy ni Hidalgo ang kanyang paglilingkod sa mga kababayan sa sinilangang bayan ng Cuyapo sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Si Hidalgo ay magsusumite ng kanyang kandidatura (Certificate of Candidacy) sa lokal na Commission on Election sa pagka-alkalde o punong bayan ng Cuyapo.

Hinubog ng mahabang panahon ang ‘di matatawarang kaalaman sa paglilingkod, ito ay bitbit ni Daboy sa  paghahanap ng katuparang maging ama ng kanyang bayan.

Subok sa paglilingkod kaya sayang kung hahayaan ng mga taga-Cuyapo ang pagkakataon na maranasan ang pinupuring brand of public service ni Gen. Daboy Hidalgo.