Home OPINION SERYOSONG AKSYON VS ISKAM SA BIGAS

SERYOSONG AKSYON VS ISKAM SA BIGAS

TOTOO bang kumpiskado na ang 236,571 kabang bigas na laman ng ilang warehouse sa Bulacan na ni-raid noong Agosto?

Kung totoo yan, hulog yan ng langit para sa mga nagugutom at kapos sa buhay.

Kung ipamamahagi yan ng tig-isang kaban sa pamilyang may 5-6 miyembro, isang buwan din na hindi sila mamomroblema sa bigas.

Pero kung hahati-hatiin yan sa 10 kilo bawat pamilya, aba, milyon ang makikinabang.

Ang mabuti pa, katulad ng ginawa sa nakumpiskang 42,000 kaban sa Zamboanga City, kunin na ang mga bigas sa Bulacan at ipamahagi.

‘Yung bigas na iyon, aba, naipamahagi na hindi lang sa Tungawan, Zamboanga Sibugay; San Roque, Zamboanga City.

Nakarating pa ang bahagi ng mga iyon at ipinamahagi sa General Trias City, Cavite; Iriga City, Camarines Sur; San Andres, Manila; Dapa, Surigao del Norte; and Dinagat Islands.

Saan naman kaya pupwedeng ipamahagi ang 236,571 kabang bigas na ‘Yan?

Sa Bulacan lang kasi, kahit sa mga paligid ng mga warehouse sa Meycauayan at Bocaue, ang dami palang kumakalan ang sikmura.

At ang mga magsasaka, kahit sila ang nag-aararo, nagtatanim at nag-aani ng palay, biktima rin ang nakararami sa kanila ng kawalan ng maisaing na bigas araw-araw.

At marami rin sila sa Bulacan.

Pero pagtiwalaan na lang ang Department of Social Welfare and Development sa pamumuno ni Secretary Mayor  Cong Rex Gatchalian sa pamamahagi ng bigas.

Kaya lang dapat na bantay sarado ang pamimigay upang hindi sa mga dapat na benepisyaryo mapupunta ang mga bigas na ‘yan.

Kung may magagaling ang mga kamay at mapalusot nila sa katarantaduhan ang mga bigas na ‘yan, bahala na an gang mga pulis at ang Diyos sa kanila.

Hindi kasi maalis-alis ang katotohanang sa gitna ng krisis, lumilitaw ang mga may sungay.

Krisis ang mahal na presyo sa bigas at nagdudulot ito ng kagutuman.

Pero kita naman nating lahat na habang may krisis, lalong pinamamahal ng mga anak tokwang ng hoarder, ismagler at switik ang bigas.

Mabuti na lang seryoso mismo si Pangulong Bongbong Marcos na harapin ang mga gumagawa ng milagro sa suplay at preso ng bigas para lang sila kumita kahit na magkandahetot-hetot ang buhayu Pinoy.

Ang hihintayin natin ngayon ay ang aksyon ng mga piskal at huwes sa mga isinasampang kasong ismagling, hoarding, economic sabotage at iba pa ng Bureau of Customs, pulis at Department of Agriculture.

Sana naman, walang gagawa ng hokus-pokus sa mga ito upang hindi maisako ang mga mapagsamantala sa pinakamahalagang pagkain ng mga mamamayan.

Pero gaano ba katagal ang kaso bago mapatunayang nagkasala ang mga ismagler, hoarder at switik?

Paano rin kaya ang mga padrino ng mga ito sa krimen na mga opisyal ng gobyerno?

Ang mga pulis at iba pang alagad ng batas, sana ang giyera sa mga perwisyo sa bigas at kalam sa sikmura ay itulad nila sa giyera sa droga.

Walang sinasanto at sinasanta at walang halong milagro rin.

Previous articleTIBAY NG DIBDIB KAILANGAN SA WPS
Next articleLotto Draw Result as of | October 1, 2023