Home OPINION SETYEMBRE 21!!!

SETYEMBRE 21!!!

290
0

MAKASAYSAYAN ang petsang Setyembre 21.

Noong 1972, nagsimulang maging makasaysayan ang Setyembre 21 nang ideklara ni namayapa nang President Manong Ferdinand Marcos Sr. ang martial law.

Dito naganap ang agarang malawakang pag-aresto, pagbilanggo at pagpatay sa mga kritiko ng kanyang administrasyon.

May 10,000 inaresto o ibinilanggo at libo mula rito ang pinagpapatay ng mga sundalo, pulis at grupong paramilitar gaya ng Integrated Civilian Home Defense Forces o CHDF.

GUMANDANG EKONOMIYA?

Sa una, sa kabila ng mahigpit at marahas na pagpigil sa kalayaan at karapatang pantao, kasama ang sa pamamahayag at pagsasara ng mga pamahayagang kontra-Marcos at karapatang mag-organisa at magtayo ng unyon ang mga obrero, gumanda naman ang ekonomiya.

Lumaya sa mga asendero at panginoong maylupa ang maraming magsasaka at nagkaroon ng sariling sakahan sa bisa ng Presidential Decree 27 para sa repormang agraryo.

Kakambal nito ang Green Revolution na ikinaunlad ng mga magsasaka, magmamais, magninyog at iba pa at ang Blue Revolution na ikinagaan din ng kalagayan ng mga mangingisda sa karagatan, lawa, fishpond at iba pa.

Sumunod dito ang ginhawa mula pagluluwas ng lakas paggawa na pinagmulan ng overseas Filipono workers.

DIKTADURYA AT CRONY

Ngunit naging kakambal ng diktadurya ang pagkabuo ng mga crony na may interlocking directorate sa malalaking kompanya na nangurakot sa kaban ng bayan, utang at ahensya gaya ng Social Security System na may pondong nagmula sa mga obrero.

Sinalakay rin ng mga taga-Palasyo at crony ang kalupaan sa pagtatayo ng mga export processing zone at plantasyong komersyal gaya ng palm oil sa Mindanao at niyog, at naging kasosyo nila ang mga dayuhan.

May nagpasasa rin sa mga illegal logging, daan-daan o libo-libong ektaryang fishpen gaya sa Laguna de Bay at commercial fishing sa mga karagatan at municipal water.

Ang mga dayuhan, nagpasasa sa kawalan ng unyon at mababang pasahod sa mga obrero habang lumubog sa utang ang gobyerno na pinagnanakaw rin ng mga taga-Palasyo at crony.

BANGKRAP, PAGHIHIRAP, MASAKER

Sa huli, nabangkrap ang gobyerno sa kamay mandarambong sa Palasyo at mga crony, nawala ang mga pansamantalang ginhawa at sumunod ang paghihirap at gutom ng mga mamamayan sa mga sakahan, niyugan, katubigan, abroad at iba pa.

Dito nagpatuloy at tumindi ang mga rebelyong komunista at Muslim na rason sa deklarasyon ng martial law noong una, bukod sa sikretong paggamit ng martial law ng United States na panangga nito sa pagkalat ng komunismo sa Asya at Latin Amerika noon.

Dito na rin nauso ang mga masaker, kabilang ang sa isla ng Negros labanb sa mga sakada at magsasaka sa palm oil sa Agusan.

1986 EDSA REVOLUTION

Dahil sa matindi at malawakang paghihirap, masaker at paninikil sa karapatang pantao at pulitikal, kumulo ang lahat hanggang sa nag-alsa ang mga mamamayan sa EDSA noong Pebrero 1986.

Tanong: Ano naman kaya ang konek ng Setyembre 21, 2025 na rally sa Setyembre 21, 1972 at nakaalerto ang mga pulis at sundalo at hindi pagpunta ni Pang. Bongbong sa United Nations General Assembly para sumali sa mga aktibidad ito sa Setyembre 9-23, 2025?

O kailangan pa bang magtanong, lalo na ukol sa korapsyon at pandarambong sa flood control projects na ikinamamatay at ikinahihirap ng mga mamamayan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here