Home NATIONWIDE Setyembre bilang National Bullying Awareness Month aprub sa Kamara

Setyembre bilang National Bullying Awareness Month aprub sa Kamara

1
0

MANILA, Philippines – Pasado na na sa ikatlong at pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong ideklara ang Setyembre ng bawat taon bilang National Bullying Awareness and Prevention Month, sa gitna ng panawagan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na tiyaking ligtas ang mga paaralan at komunidad para sa mga kabataan.

Ang House Bill No. 10134, o ang panukalang “National Bullying Awareness and Prevention Month Act,” ay nakakuha ng 245 pabor na boto, walang tumutol, at walang nag-abstain.

Ayon kay Dy, layunin ng panukala na patatagin ang kamalayan ng publiko laban sa bullying at pagtulung-tulungin ang mga paaralan, pamilya, komunidad, at ahensya ng pamahalaan upang pigilan ang mga gawaing nagdudulot ng matinding pinsala sa mga bata.

“Every child deserves to go to school feeling safe, respected, and accepted. Walang batang dapat matakot pumasok sa eskwela dahil sa pang-aapi, pananakot, o anumang uri ng bullying,” pahayag ni Dy.

“Bullying is not something we should dismiss as a normal part of growing up. It can leave wounds that we may not immediately see, but which a child can carry for many years. Kaya mahalaga ang prevention, awareness, at maagang pagkilos,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng HB 10134, ang buwan ng Setyembre ay itatalaga para sa mga aktibidad na magpapataas ng kamalayan sa pangangalaga sa mga kabataan laban sa pang-a abuso, kalupitan, at exploitation.

Inaatas ng panukala sa Department of Education (DepEd), sa pakikipagtulungan sa National Youth Commission (NYC) at Council for the Welfare of Children (CWC), na maghanda ng taunang programa para sa pagdiriwang na ito sa lahat ng pampubliko at pribadong elementarya at high school sa buong bansa.

Makikipagtulungan din ang Philippine Information Agency (PIA) upang matiyak ang malawak na pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa batas, habang hinihikayat naman ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor na makibahagi bilang bahagi ng komprehensibong pagtugon sa problema.

Binigyang-diin din ni Dy na nagbago na rin ang mukha ng bullying dahil sa teknolohiya, kung saan hindi na lamang ito nagaganap sa loob ng mga silid-aralan kundi maging sa social media at digital platforms. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here