MANILA, Philippines – Makaaapekto ang shear line sa eastern section ng Southern Luzon ngayong Lunes, Enero 8, at magdadala ng mga pag-ulan, base sa pagtataya ng PAGASA ng panahon.
Ang Bicol Region, Quezon, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa easterlies at shear line, na siyang makitid na sona kung saan nagtatagpo ang Northeast Monsoon at easterlies. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring magresulta dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.
Maaaring asahan ng Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahinang pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon (Amihan).
Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng easterlies at localized thunderstorms. Sa panahon ng matinding bagyo, maaaring magresulta ang flash flood o landslide.
Ang mga baybaying dagat ay magiging katamtaman hanggang maalon sa Luzon, at bahagya hanggang katamtaman sa Visayas at Mindanao.
Sumikat ang araw alas-6:23 ng umaga habang ang paglubog ng araw ay alas-5:42 ng hapon. RNT