Home OPINION SOLAR PANELS NA BENTA SA FACEBOOK PEKE, SIRA

SOLAR PANELS NA BENTA SA FACEBOOK PEKE, SIRA

MAY bentang solar panels sa Facebook na pawang mga peke at sira.

Biktima mismo ang Lupa’t Langit ng mga mokong na tindero ng nasabing solar panels.

Nag-offer ‘yung online store ng isang set sa halagang P1,200 at tinesting kung gagana o hindi.

Nang dumating, walang brochure pero gaya ng karaniwang alam natin base sa ginagawa ng mga kasamahan nating may mga karanasan dito, ibinalad natin ang solar panel sa araw mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:000 ng hapon.

‘Yung dalawa na patay na simula, patay pa rin at yung dalawa, umilaw naman pero 30 minuto lang.

Dahil dito, hindi ko na pinaraan sa “punerarya” ang mga ito at inilibing na lang sa lupa.

Siyempre isang linggo kong nakita ang online store.

Nang balikan ko para alamin ang address at iba pang pagkakilanlan nito, burado na.

Ikokonek ko sana iyon sa Department of Trade and Industry para maimbestigahan.

Siguro maraming nabentahan nito at kumita sa mga pekeng solar panel.

Kennana…….Grrrrrrrr!

Bigla nating binalikan ang alaalang iyon nang mag-anunsyo ang Energy Regulatory Board na malaking bagay para sa mga maybahay ang pagkakaroon ng solar panel.

Makatitipid na ang mga maybahay ng bayarin sa kuryente, makatitiyak pa sila laban sa brownout na maaaring likhain ng El Niño na magtatagal hanggang sa kalahati ng taong ito.

Hindi man sinasabi ng ERC, maaaring magkaproblema tayo sa kuryente dahil sa paghina ng mga planta ng kuryente mula sa mga dam sa pag-unti ng tubig ng mga ito.

Ngayon naman, kung may tutugon sa panawagan ng ERC para sa pagkakaroon ng solar electricity, tiyakin nilang hindi sila mapepeke sa online store ukol sa mga solar panel.

Mahal ang mga solar panel na tunay, pagkakabit at maintenamce ng mga ito pero sulit naman…para sa mga walang mapaglagyan ng pera.

Kapag inilagay sa bubong at sinibak ng bagyo, bahala na kung magpapakabit ka pa o hindi na.