Home OPINION ILANG AIRPORT REPAIR SA BICOL TULOY NA

ILANG AIRPORT REPAIR SA BICOL TULOY NA

MAISASAKATUPARAN na rin ang matagal nang hinaing ng mga Bikolano kaugnay sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng paliparan sa dalawang lalawigan dito makaraang maisama na ang pondo nito sa 2024 National Budget.

Ito’y matapos na maisama sa 2024 Aviation Transport Infrastructure Program ang repair sa Daet airport sa Camarines Norte na nagkakahalaga ng P225 milyon at pagsasaayos naman ng paliparan sa Bacon, Sorsogon na may pondong P100 milyon.

Ayon kay Makati City Congressman Luis Campos Jr.,ang inilaan na panggastos para sa rehabilitasyon ng naturang mga airport ay bahagi ng P7.5 bilyon pondo para sa 22 mga paliparan sa bansa ngayon taon na kailangan nang ayusin na naglalayong palakasin pa ang lokal na ekonomiya ng mga lalawigan sa pamamagitan ng turismo.

Ilang beses nang ipinarating sa kinauukulan ni Camarines Norte Governor Ricarte ”Dong” Padilla ang suliraning ito kung saan ang pinakahuli ay noong isinagawa sa kanyang lugar ang pagpupulong ng Regional Development Council at inihayag nito na kung napaglalaanan  ng pondo ang pagsasaayos ng mga kalsada at konstruksyon ng flood controls dito marapat na mabigyan din ng salapi ang repair ng airport upang mabilis na mararating ng mga lokal at dayuhang turista ang naggagandahang tanawin sa lalawigan kabilang na ang mga resort na higit pa sa Boracay ang kaputian ng buhangin.

Maging si Sorsogon Governor Edwin ”Buboy” Hamor ay kaliwa’t kanang pakikipag-usap sa mga kinauukulang ahensya ang ginawa upang mapondohan na rin ang pagsasaayos ng paliparan sa Bacon na nakatengga ng ilang taon.

Dagsa ngayon ang mga bisita sa lalawigan hindi lang dahil sa kaayusan at kalinisan ng mga bayan dito kundi sa mabilisang pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga tagarito bunsod sa malalaking proyektong ipinagawa ng kasalukuyang administrasyon na sadyang napakikinabangan naman ng taumbayan.

Inaasahang magpapatuloy pa ang pagsikat ng dalawang lalawigan sa pamamagitan nang pagpasok ng airline companies dito dahil mabilis na  mararating ng mga turistang walang tigil na dinarayo na ang mga lugar sa Kabikolan.

Anomang reaksyon o komento itex sa 09999388537/email [email protected]

Previous articleMANTRA MO
Next articleSOLAR PANELS NA BENTA SA FACEBOOK PEKE, SIRA