Home OPINION MANTRA MO

MANTRA MO

ANO ang gagawin mong iba ngayong 2024? In other words, ano ang babaguhin mo?

Pangkaraniwan, New Year’s resolution ika nga.   Sa millennials, tawag yata nila ngayon dito eh, “mantra” o kasabihan na s’yang gagabay sa iyong ugali, gawi at pakikitungo sa ibang tao.   Galing sa Hindunismo at Budhismo, ang mga “mantra” ay mga salitang inuulit-ulit para makatulong sa meditasyon.  Sa modernong panahon, ginagamit ang mga “personal” na mantra para sa pagpapasigla ng sarili o positibong pag-iisip.

Ang mga nakita kong halimbawa ng mga mantra para sa 2024 ay – “kung pera at yaman ang hahabulin mo, hindi ka magkakaroon ng sapat” o kaya naman ay “ang pahinga ay ang alam mong natapos mo na ang lahat ng dapat tapusin”.  Pero ang pinaka-gusto ko ay yung “ang kasiyahan at pasasalamat ay kuntento sa mga maliliit na bagay”.

Tuwing bagong taon, pagkakataon ito para magsimula ulit. Marami ngang napagdaanang hamon at pagkadapa nitong 2023, pero importanteng isipin na lumipas na ang mga ito.   Merong mga aral na dapat ay natutunan natin, at dala-dala ang mga ito para mas maging maayos ang buhay at mga relasyon natin ngayong taon.

Huwag lang tayong masisilaw sa mga tukso na nakapaligid sa atin ngayon, kasi baka mga baluktot na gawi at kaisipan ang ma-sentruhan at tiyak na magiging balisa ang buong taon.   Lalo na ngayon sa panahon natin na parang dinidikta na ng social media ang katauhan at kagalingan ng isang indibidwal, mabilis na manliliit o mawawalan ng kompyansa kapag hindi bumenta o madami ang nag-like o nag-follow sa iyo.   Malamang a ma-bash ka pa nga, dahil sa hindi ka nakasunod sa uso o kaya ay kakaiba ang pananaw o opinyon mo.

Tingin ko ay mahalagang baguhin o pagbutihin natin ang mga bagay na “panloob” katulad din nang kagustuhan natin na pagandahin ang “panlabas”.  ‘Yan ang mahalagang pagbabago na pwede natin umpisahan sa bagong taon.

Ikaw, ano ang “mantra” na magdadala nang kakaibang pagbabago sa iyo ngayong 2024?