MAPAPADASAL ka nang wala sa oras sa nagaganap na mga disgrasya sa mga eroplano.
Paanong hindi ka mapapadasal kung lumiliyab ang sinakyan mong eroplano habang naglalanding ito?
O kaya naman, malaglagan ito ng fuselage at mabutasan sa katawan habang nasa ere ito?
Paano naman kung basta na lang magloko ang makina ng eroplano habang nasa ere o ideklarang unserviceable habang pasakay ka na lang sana o may kinaing tao ang makina nito?
MAGKAKASUNOD
Kung paisa-isang nagaganap ang mga ito sa loob ng isang taon o mahigit pa, maaaring magaan mong tanggapin ang mga disgrasya at kapalpakang ito.
Pero kung magkakasunod at nasa loob ng dalawang linggo, kakabahan ka tiyak nang labis kaya mapupwersa kang magpasaklolo kay Lord para iligtas ka, kasama ang iba pang mga pasahero, sa kapahamakan.
Ang tanging konswelo mo, Brod, eh, isa lang ang namatay sa mga disgrasyang ito.
SINWERTE AT MINALAS
Si Kyler Efinger ang minalas nang mamatay makaraang supsupin ito ng makina ng umaandar na makina ng Delta Air Lines sa Salt Lake City International Airport habang naghahanda ang eroplano na papunta sa California.
Muntik nang napahamak pati ang dalawang piloto, tatlong flight attendant at 95 pasahero ang Airbus Airbus A220-100 noon Enero 1, 2024.
Nito namang Biyernes, pasakay na lang si Canadian Prime Minister Justin Trudeau sa kanyang military service plane nang ideklarang unserviceable na ito makaraang masiraan ng dalawang beses.
Pauwi sana si Trudeau, kasama ang kanyang pamilya, mula sa Jamaica nang mangyari ang bad news pero sinwerte pa rin ito.
Nauna rito, sinwerte rin ang 270 pasahero at crew ng Delta Airlines mula sa Amsterdam nang walang masaktan sa kanila makaraang mag-emergency landing ang eroplano sa military airbase sa Goose Bay military airport sa Canada nitong Disyembre 12, 2023.
Reklamo lang nila ang hindi gaanong pag-aasikaso sa kanila ng Delta Airlines ilang oras silang lumabas ng eroplano at stranded sa loob ng 24 oras, pero may nagsabi ring parang naglagi lang sila sa hotel.
KUNTODO DASAL
Itong dalawang eroplanong nasunog sa Japan at natanggalan ng fuselage sa USA ang pinakagrabe sa lahat.
Nitong nakaraang Martes, anak ng tokwa, nabangga ng Japan Air Lines Airbus A350-900, flight 516, ang maliit na eroplanong gamit ng Japan Coast Guard sa Haneda Airport, Tokyo.
Nasira at namatayan ng limang pasahero ang eroplano ng JCG pero nagliyab naman ang JAL na may kargang 379 katao.
Sa loob ng dalawang minuto na paspasang pagbaba sa eroplano nang tumigil ito, milagro walang nasawi dahil doon na nilamon nang husto ng apoy ang eroplano.
Wala ring nasawi sa 171 pasahero ng Alaska Air Lines Boeing 737 Max 9 jetliner nang matanggalan ito ng fuselage at mabutasan sa dinding ng kasinglaki ng refrigerator habang nasa ere.
Milagro ang pagkakaligtas ng mga pasahero sa mga pangyayari ito.
Sana wala nang maulit pang ganitong mga disgrasya sa mga eroplano sa mga susunod na araw.