PANGASINAN, Philippines – Inanunsyo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 1 (BFAR-1) na ligtas nang kainin ang lahat ng uri ng shellfish at alamang (Acetes sp.) mula sa mga bayan ng Anda at Bolinao, Pangasinan matapos mag-negatibo ang mga sample sa red tide toxin.
Ayon sa BFAR-1, pinapayagan na muli ang pag-aani at pagbebenta ng shellfish sa dalawang bayan batay sa pinakahuling pagsusuri ng mga nakolektang shellfish samples.
Matatandaang unang nagpositibo sa red tide toxin ang mga sample noong Enero 15. Nag-negatibo ito noong Pebrero 19 ngunit muling nagpositibo makalipas ang isang linggo bago tuluyang nag-negatibo sa pinakahuling pagsusuri.
Dahil sa epekto ng red tide sa kabuhayan ng mga mangingisda, oyster at mussel growers, nagsagawa ang BFAR-1, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at mga lokal na pamahalaan ng konsultasyon para sa mga alternatibong hanapbuhay.
Kabilang sa mga iminungkahing proyekto ang pag-aalaga ng lapu-lapu (grouper), paggawa ng shellcrafts, passenger boat project, at negosyo sa mga gamit pangisda.
Ayon sa BFAR-1, susuriin ng DSWD at BFAR ang listahan ng mga benepisyaryo at mga lugar ng proyekto upang matiyak na angkop at kapaki-pakinabang ang mga ito.
Nauna nang nakatanggap ng family food packs ang 744 pamilyang mangingisda sa Anda at Bolinao na naapektuhan ng red tide phenomenon. RNT/MND