MANILA, Philippines – Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang mga pulis sa paligid ng Senado dahil sa pangambang maaaring magdulot ng protesta at kaguluhan ang umiinit na isyung pulitikal.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang lokal na pulisya na magdagdag ng presensya ng mga pulis at maglagay ng strategic checkpoints sa paligid ng legislative complex bilang paghahanda.
Sinabi ng PNP na ito ay isang preemptive at precautionary measure, at layunin nitong mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar.
Binigyang-diin ni Nartatez na ang PNP ay apolitical at hindi makikialam sa mga legal na pagtitipon o rally, kundi tututok lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Senate security, LGUs, at traffic authorities upang matiyak ang maayos na koordinasyon sakaling magkaroon ng mga pagkilos ng protesta.
Hinihikayat din ng PNP ang mga grupong magpoprotesta na panatilihing mapayapa at maayos ang kanilang mga aktibidad at huwag hayaang may mga manulsol o manggulo sa hanay ng mga raliyista.
Nagbabala rin ang pulisya na haharap sa kaukulang aksyon ang sinumang magsasagawa ng karahasan o paninira ng ari-arian sa panahon ng mga protesta. RNT/MND