Home NATIONWIDE Shifting sa pag-aaral, lulusawin bilang malawakang reporma sa edukasyon – Bam

Shifting sa pag-aaral, lulusawin bilang malawakang reporma sa edukasyon – Bam

152
0
Pinangunahan ni Senador Bam Aquino ang pagdinig ng Komite sa Batayang Edukasyon upang talakayin ang Senate Resolution No. 252 o ang mga Pampubliko-Pribadong Pakikipagtulungan bilang pangunahing estratehiya upang matugunan ang pagsisikip ng mga silid-aralan."Mahigpit na kinakailangan ang isang buong bansa, buong gobyerno na lapit upang matugunan ang krisis sa edukasyon. Ang pondong ito ay dapat gamitin upang magtayo ng mga silid-aralan sa tamang presyo, sa tamang paraan, at sa tamang oras,” sabi ni Aquino nitong Lunes, Pebrero 9, 2026.

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang malawakang reporma sa edukasyon na direktang makatutulong para mapagaan ang gastusin at lumikha ng mas maayos na kapaligiran sa pag-aaral ng mga estudyante, at mabawasan ang shifting sa mga paaralan.

Layunin ng Senate Bill No. 1981 o ang “An Act Establishing the Private Basic Education Voucher Program and Appropriating Funds Therefor” na ipawalang-bisa ang Republic Act No. 6728, o ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).

“Ang ating reporma ay tutugon sa tatlong pangunahing isyu: congestion, access, at pangatlo, pagpapatibay ng sistema laban sa corruption,” ani Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education, sa kanyang sponsorship speech para sa Private Basic Education Voucher Program Act.

“Mahalaga ang programang ito dahil direktang natutulungan ang mga pamilya—lalo na ang mga nakatira na malapit sa mga pribadong paaralan, at ang mga mag-aaral na nangangailangan ng Special Education o SPED,” dagdag pa niya, sa pagsasabing makatutulong ito para mabawasan ang gastusin sa pamasahe at iba pang bayarin sa paaralan.

Idinagdag ng Senador na palalakasin ng progama ang suporta sa mga pribadong paaralan at mga guro sa pamamagitan ng subsidiya at iba pang tulong.  Layon din nito na tugunan ang siksikan sa mga silid-aralan, mapabuti ang access sa mga paaralan, at patibayin ang safeguards laban sa katiwalian.

“Layunin ng panukalang batas na ito na bawasan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng private education voucher. Ito po’y magbibigay-daan sa mga mag-aaral na makapag-enroll sa mga pribadong paaralan, partikular na po ang mga nagmumula sa mga paaralang kinikilala ng DepEd bilang congested or overcrowded,” aniya, sabay banggit na kasalukuyang kulang ang bansa ng humigit-kumulang 165,000 silid-aralan.

Sa ilalim ng panukalang batas, papayagan ng education vouchers ang mga estudyante—lalo na ang mga mula sa siksikang pampublikong paaralan—na makapag-enroll sa mga pribadong institusyon na may available na kapasidad.

Palalawakin din ng panukala ang saklaw ng voucher assistance sa lahat ng antas ng basic education—mula Kindergarten hanggang Grade 12—habang pinagsasama sa iisang batas ang mga umiiral na voucher programs.

Kabilang sa mga bibigyang prayoridad ang mga estudyanteng mula sa mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga lugar na Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), mga komunidad ng Indigenous Peoples, mga foster home, at iba pang sektor na nangangailangan ng tulong, kabilang ang mga mag-aaral na may kapansanan na nangangailangan ng special education services.

“Nais nating bigyan ng kalayaan ang mga mag-aaral na nahihirapan sa mga pampublikong paaralang kulang sa pasilidad na pumili ng paaralang angkop sa kanilang pangangailangan. Mahalaga ang programang ito dahil direktang natutulungan ang mga pamilya—lalo na ang mga nakatira na malapit sa mga pribadong paaralan, at ang mga mag-aaral na nangangailangan ng Special Education o SPED,” paliwanag ni Aquino.

Binigyang-diin ni Aquino na naglalaman ang panukala ng mas mahigpit na safeguards upang maiwasan ang pandaraya at pang-aabuso sa programa. Kasama sa panukalang batas ang parusang administratibo at criminal para sa mga lalabag, kabilang ang multa at posibleng pagkakakulong para sa mga mapapatunayang nandaraya.

“Kasama sa ating panukala ang mga probisyon para sa administrative at criminal penalties upang hadlangan ang anumang uri ng pandaraya o fraud. Titiyakin po natin na wala nang ghost students at wala nang magsasamantala sa sistema,” ani Aquino.

“Sa ilalim ng panukalang ito, parurusahan ang anumang paaralang lalabag sa mga probisyon ng batas. Ang paglabag po ay may kaukulang multa o pagkabilanggo dahil ang kailangan po ng mga mag-aaral ay edukasyon at hindi korapsyon,” dagdag niya.

Hinimok ni Aquino ang kanyang mga kapwa senador na suportahan ang panukala, na aniya’y mahalagang hakbang upang matugunan ang krisis sa edukasyon sa bansa at matiyak na mas maraming kabataang Pilipino ang makapag-aaral sa ligtas at maayos na kapaligiran sa pagkatuto.

“Sa pamamagitan po nito, masisigurado natin na mas marami pang kabataang Pilipino ang makakapag-aral sa mga maayos na kapaligiran at makakatanggap ng dekalidad na edukasyon. Tiyakin po nating walang batang maiiwan sa ating minamahal na bayan,” wika niya.

Bukod kay Aquino, kabilang sa mga co-author ng panukala sina Senador Loren Legarda, Sherwin Gatchalian, Alan Peter Cayetano, Jinggoy Estrada, Mark Villar, Kiko Pangilinan, Joel Villanueva, Raffy Tulfo, JV Ejercito, at Robin Padilla.

Samantala, tumayong co-sponsor ng panukala sina Senador Ejercito, Gatchalian, Padilla, Legarda, Villanueva, at Estrada. Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here