MANILA, Philippines – Nagpalabas ng show cause order ang House Tri Comm laban sa Facebook at TikTok matapos na mabigong dumalo sa pagdinig ng komite kaugnay ng pagkalat ng fake news.
Partikular na pinadalan ng show cause order sina Peachy Paderna ng ByteDance Philippines o Tiktok at Genixon David paar sa Facebook Philippines.
Ayon kay 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez na nakatanggap ang komite ng liham mula kay White at Case sa ngalan ng Meta (Facebook) na nagsasabi na hindi otorisado ang Facebook Philippines na tumanggap ng imbitasyon.
Katwiran ni Gutierrez, kung ang Google Philippines na sa kabila ng pagiging isang bahagi ng international entity ay nakadalo sa pagdinig ay bakit hindi ito magagawa ng iba gaya ng Facebook at Tiktok.
“Although Google and Alphabet is international, Google, Philippines chose to appear. So I think,this would not stand po as a reason for Facebook Philippines not to attend,” paliwanag ni Gutierrez.
Kasabay ng naging mosyon ni Gutierrez ay inaprubahan ito ng komite kaya nagpalabas ng show-cause order.
Ang Tri Comm, na binubuo ng Committee on Public Order and Safety, Information and Communications Technology at Public Information.
Layunin ng isinagawang imbestigasyon na suriin ang papel ng social media platform sa pagpapakalat ng mapanlinlang na content at hanapan ng posibleng hakbang para sa regulasyon. Gail Mendoza