Home NATIONWIDE SILG Remulla laban-bawi sa core group na nagplano sa pag-aresto kay Digong

SILG Remulla laban-bawi sa core group na nagplano sa pag-aresto kay Digong

MANILA, Philippines- Nagkaroon ng pulong sa pagitan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at kanyang Cabinet members—hindi upang planuhin ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kundi upang talakayin lamang ang mga balitang bumabalot dito.

Kinumpirma ito ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa pagdinig ng Senate panel on foreign affairs nitong Huwebes

“There was no mastermind. We were discussing mainly about what the [former] President’s statements were in Hong Kong and it was based all on that statement,” giit ni Remulla.

Subalit, tila taliwas ito sa naunang pahayag ng opisyal kung saan inamin niyang “group effort” ang planong pag-aresto kay Duterte.

Sa panayam ng On Point sa Kalihim, sinabi nito na siya, si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro, National Security Adviser Secretary Eduardo M. Año at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-plano ng pag-aresto kay Duterte.

Sinabi ni Remulla na hindi lang siya ang nagplano ng lahat na ito sa kabila ng siya lang ang naiwan na miyembro ng gabinete sa press conference ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Remulla “hindi naman ako. Ako lang natira. Last man standing doon sa Malakanyang” nang tanungin kung siya ang nasa likod ng paghuli kay Digong.

Kailangan kasi aniyang bumalik ng opisina si Teodoro sa Camp Aguinaldo habang si Año naman na ang expertise ay intelligence ay nangalap ng lahat ng impormasyon sa usaping ito.

Sinabi pa ni Remulla na mabigat para kay Año ang maging bahagi ng pagplano sa pag-aresto kay Duterte lalo pa’t malapit ito sa dating Pangulo at mayroong ‘good working relationship’ sa dating lider.

Pero bilang isang professional, gentlemen at sundalo ay ginawa lamang umano ni Año ang kanyang tungkulin. Kabilang na rito ang mangalap ng impormasyon.

Partikular na tinukoy ni Remulla ang impormasyon na nakuha ni Año ukol sa pag-uusap kung uuwi ba ng Pilipinas si dating Pangulong Duterte.

Sinasabing hinimok ng mga abogado ni Duterte ang dating lider na manatili sa Hongkong o sa Tsina subalit hindi pumayag ang mga anak ni Duterte.

“Parang ganun ang mga lumalabas sa mga sources. Sources ni Sec. Año,” ayon kay Remulla sabay sabing ipinabatid agad ni Año sa core team ang nakuha niyang impormasyon.

Sinabi ng Kalihim na maliit lamang ang core team. Hindi aniya kailangan na marami ang kasama rito.

Sa kabilang dako, inamin din ni Remulla na sinadya ng core team na huwag magbigay ng impormasyon sa media.

Sa pagdinig, inihayag ni Remulla na naninindigan siya sa una niyang pahayag, subalit nilinaw na “hindi nila binabalak” ang pag-aresto noong panahong iyon.

“It was a discussion of a rumor based on the [former] president’s statement in Hong Kong,” giit niya.

Subalit, tila hindi ito nagustuhan ni Sen. Imee Marcos na nagsabing: “So, this has nothing to do with it? But the Cabinet secretaries would still gather just for gossip? Don’t they have anything better to do?”

“Call it what you may, ma’am,” ayon naman kay Remulla. RNT/SA