Home HOME BANNER STORY Sinampal na BPO employee sa Bataan raid, nagsampa ng reklamo vs relieved...

Sinampal na BPO employee sa Bataan raid, nagsampa ng reklamo vs relieved PAOCC spox

MANILA, Philippines – Naghain ng reklamo ang empleyado ng ni-raid na business process outsourcing (BPO) firm sa Bataan laban kay relieved Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio dahil umano sa pagsampal nito sa kanya.

Sa ulat, naghain ng reklamong “slander of deed” ang biktima sa Bataan Provincial Prosecutor’s Office.

Sinabi ng abogado ng biktima na sinampal umano ni Casio ang kliyente nito nang makatatlong-ulit matapos na akusahan itong binabastos ang kanyang staff.

“May isang tauhan siya na lumapit sa akin, sabi niya binabastos mo kami…dumating na nga itong si Mr. Casio, bigla na lang niya akong parang ia-attempt na suntukin,” ayon sa BPO employee.

“Sa loob ng clinic namin tinatanong na niya yun…. basta sinampal na niya ako.”

Samantala, nanindigan din ang Central One, ni-raid na BPO company, na hindi sila Philippine offshore gaming operator o POGO.

Itinanggi rin nito ang alegasyon ni Casio na sangkot sila sa labor trafficking, online scam, at online gambling.

Maghahain ng mosyon ang BPO sa korte.

Wala pang tugon ang PAOCC kaugnay nito. RNT/JGC