Home OPINION SINDIKATO NASA PNP MISMO

SINDIKATO NASA PNP MISMO

LOW morale umano ang mga pulis sa binitiwang salita ni PLtCol Joven Espenido na ang Philippine National Police ang biggest crime group, ayon kay PCol Jean Fajardo, spokesperson ng PNP.

Kailangang linawin ni Espenido ang kanyang sinabi dahil marami pa rin sa mga pulis ang mabubuti at tapat sa kanilang tungkulin. Kung mayroon mang mangilan-ngilan na gumagawa ng masama o krimen, ang mga iyon ay kailangang dalhin sa kamay ng hustisya upang hindi na pamarisan.

Pero para kay Juan de Sabog may bahid ng katotohanan ang sinabi ni Espenido sapagkat hanggang ngayon, may mga pulis lalo na ang mga opisyal na nagbibigay proteksyon sa iligal na gawain sa kanilang nasasakupan. May ilang sangkot mismo sa carnapping, robbery, kidnapping at iba pang krimen na mismong mga pulis ang nagpapatakbo para sa kanilang pakinabang.

May mga negosyo na kanilang pinoprotektahan kapalit nang pagtanggap ng lingguhang payola mula sa may-ari nito o sa nagpapatakbo ng business.

Isang halimbawa ay ang isang opisyal ng Quezon City Police District na talagang sinasagad-sagad ang pangongolekta ng lingguhan mula sa mga negosyo na pasok sa kanilang opisina. Maaaring hindi ito alam ng mga matataas na opisyal ng QCPD sa pangunguna ni PBGen Red Maranan.

Pero para sa kaalaman ng mga nasa command group at directorial staff, ang opisyal na ito ay ipinangongolekta para sa kanyang lingguhan. Ang masaklap, hindi lang birthday niya ang kanyang iniuutos sa kanyang bagman na ipanghingi subalit maging ang birthday ng nanay niya, kamag-anak niya at kung sino-sino pa. Minsan nga iniisip ng inyong lingkod  na baka pati birthday ng aso niya ay ipinanghihingi niya.

Sa totoo lang, hindi naman mahusay na pulis ang opisyal na ito. At walang ipinanakot kundi “kausap niya si DD”, “utos ni DD” at “ipinasasabi ni DD”. Hello! Alam ba niya na si National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. ay nagpapairal ng “no take police” eh bakit ang opisyal na ito ay malakas ang loob na magpakolekta ng lingguhan sa mga iligal?

Ang sabi kasi, paalis na raw ang opisyal na ito o hindi na magtatagal sa pwesto kaya naman nag-iipon na at pinapapasok na sa kanyang opisina ang mga negosyanteng nagbibigay ng mas malaking tara.

Sino ang opisyal na ito? Clue ba ang kailangan n’yo? Eh, eh. Ibulong ko na lang kay DD at RD. Pero dapat na mawala sa pwesto ang ganitong klaseng mga opisyal kasama ang kanyang mga tauhan. Ang mga ito ang mga anay na sisira sa pundasyon ng PNP.

 

ReplyReply to allForward