Home OPINION SINO ANG MAKIKINABANG SA 2025 BUDGET?

SINO ANG MAKIKINABANG SA 2025 BUDGET?

NATAPOS na ang ‘Bicameral Conference Committee (Bicam) meeting’ para sa pambansang badyet sa 2025 noong Miyerkules, Disyembre 11. Inaasahan na pormal namang malalagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos bago mag-Pasko ang napagkasuduan na P6.532 trilyon halaga ng ating gastusin sa papasok na taon.

Sa mga anunsiyo ng mga lider ng Kamara at Senado—House Speaker Martin Romualdez, Senate President Chiz Escudero, Sen. Grace Poe (Senate Finance Committee chair) at Rep. Elizaldy Kho (House Appropriations Committee chair), sadyang “napakaganda” ng ‘2025 budget’ dahil may pakinabang ang bawat Pilipino. ‘Yan ang “sabi” nila.

Napansin naman ng mga miron, ‘zero budget’ ang PhilHealth at kahit ang Malasakit Center; “tapyas” din ang badyet ng DSWD ng P96 bilyon, P20B sa DA, P18B sa DOLE, P16.7B sa DOTr, P25.8B sa DOH at P582M sa DHSUD.

Siyempre pa, “lagas” din ang badyet ng OVP sa halagang P1.29 bilyon kaya “tiyaga” si VP Sara sa badyet na P733 milyon, pareho lang sa badyet niya ngayon, habang P39B ang nawala sa DepEd at CHED.

“Lalos” din nang higit P10B ang badyet para sa scholarship at mga SUCs, katulad ng UP na “kinaltasan” ng higit P2B.

Pansinin na maliban sa OVP, ang mga “nasagasaan” ng Bicam ay mga ahensiyang direktang may kinalaman sa kalusugan, kabuhayan, trabaho, at edukasyon ng mga Pilipino.

Dinagdagan pa ng P289 bilyon ang badyet ng DPWH at P5.4B sa Tanggapan ng Pangulo (OP). Para “parehas,” dinagdagan ng P1.1B ang Senado at P17.324B naman ang Kongreso. At para ‘everybody happy,’ may ‘discretionary’ (unprogrammed fund) din na P373B.

“Naipilit” din ang dagdag-ayuda (na kailangan dahil eleksyon na) sa halagang P76B para sa AICS ng DSWD at AKAP ni Speaker Romualdez.

Kung papansinin, ang mga totoong nakinabang ay mga ahensiya at programa na direktang may pakinabang ang ating mga politiko katulad ng mga ayuda at mga proyekto sa DPWH.

Tanong: “Sino” ngayon ang makikinabang sa 2025 budget?

“Tayo” ba o “sila?”