Home HOME BANNER STORY Sinusubukan na naman nilang lokohin mga Pinoy gamit P20/kg bigas – VP...

Sinusubukan na naman nilang lokohin mga Pinoy gamit P20/kg bigas – VP Sara

MANILA, Philippines – BINATIKOS ni Vice President Sara Duterte ang plano ng Department of Agriculture (DA) na magbenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo sa Visayas.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, ang panukalang ito ay hindi bago at isa lamang umanong bahagi ng “election promise” na layuning palakasin ang tsansa ng mga senatorial candidates ng administrasyon.

“Muli, sinusubukan na naman nilang lokohin ang mga tao sa pangako nilang P20 kada kilo na bigas,” pahayag ni VP Sara. “Well, hindi ko alam kung anong motibo nila. Baka binubudol na naman nila ‘yung mga tao.”

Bagamat hindi tuwirang binanggit ni VP Sara ang pangalan ng naghayag ng pangako, malinaw sa publiko na ito ay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Batay sa datos ng Department of Agriculture noong Abril 13, ang presyo ng lokal na commercial rice sa Metro Manila ay nasa pagitan ng P38 hanggang P50 kada kilo, habang ang imported commercial rice ay nasa P37 hanggang P52 kada kilo, depende sa variety.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Marcos noong siya ay president-elect: “That [P20 per kilo of rice] is the aspiration. Bubuuin natin ang value chain.”

Ngunit para kay VP Sara, ito ay isang malaking kasinungalingan mula pa sa simula.

“‘Di ba ‘yan na ‘yung sinasabi nila noon pa na hindi nila magawa hanggang ngayon dahil hindi nila alam kung paano gawin? At sa totoo lang, nung sinabi ‘yung P20 per kilo na bigas, ay nagsinungaling ‘yung nagsabi. Alam niyang hindi kaya, pero pinaasa niya ang mga tao,” ani Duterte.

“Promise na naman ‘yan sa mga tao na halatang para lang sa eleksyon at para manalo ang mga tinatawag nilang Alyansa,” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ni VP Sara ang kanyang pangamba na baka ang ibinebentang bigas sa halagang P20 kada kilo ay hindi kalidad na para sa tao.

“Kapag sinabi nating P20 per kilo na bigas, ang ibig sabihin niyan ay ‘yung bigas na pwede kainin ng tao. Baka naman ‘yung P20 per kilo na ibinebenta ay ‘yung pinapakain sa baboy. Hindi mga hayop ang mga Pilipino,” matapang niyang pahayag.

Bagamat hindi direktang tinutulan ang inisyatiba, pinaalalahanan ni VP Sara ang publiko na maging mapanuri.

“Baka may problema sila sa boto dito sa Visayas. I-deduce na lang natin sa mga sinasabi nila — P20 per kilo na bigas dito sa Visayas, para hindi kami magutom sa Mindanao at hindi na namin kailangan ng P20 per kilo na bigas,” pagtatapos niya. Kris Jose