SIQUIJOR – Idineklara ng Pamahalaang Panlalawigan ng Siquijor ang State of Calamity bunsod ng matinding krisis sa suplay ng kuryente na nararanasan sa isla sa loob ng halos isang buwan.
Kinumpirma ni Governor Jake Villa nitong Huwebes, Hunyo 5, na inaprubahan ng Provincial Board ang resolusyon sa kanilang regular na sesyon noong Hunyo 3.
Ayon kay Villa, umaabot ng limang oras kada araw ang mga brownout sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. May mga lugar pa nga na nakakakuha lamang ng kuryente sa loob ng dalawa hanggang limang oras bawat araw.
“Usa gyud kini ka dako nga challenge (Ito ay isang napakalaking hamon),” ani Villa sa isang press conference.
Ibinunyag din ng gobernador na lahat ng anim na generator ng Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR) ay kasalukuyang sumasailalim sa maintenance matapos magkaaberya.
Ang SIPCOR ay pinangangasiwaan ng Prime Asia Venture Incorporated (PAVI) at may 20-taong kontrata sa Province of Siquijor Electric Cooperative (Prosielco) mula pa noong 2015.
Dahil sa aberya, kulang ng 2 megawatts ang kasalukuyang power supply ng lalawigan mula sa kinakailangang 9.4 megawatts. Lalo pang pinapalala ng sitwasyon ang kawalan ng koneksyon ng isla sa national grid, kaya’t hindi ito makakahiram ng suplay mula sa ibang lalawigan.
“Kung dalawa o tatlo na generator ang hindi umandar, wala talaga tayong kuryente,” paliwanag ni Villa.
Sa ilalim ng deklarasyon ng State of Calamity, maaaring agad gamitin ng pamahalaan ang P14 milyon calamity fund upang matugunan ang krisis.
Kabilang sa mga agarang hakbang ay ang pag-upa ng dalawang generator mula Cebu, na may kapasidad na tig-2 megawatts. Aabot sa P2.8 milyon ang tinatayang renta para sa dalawang buwan.
Bukod dito, may biniling 2-megawatt generator mula Palawan ang Prosielco upang tumulong sa pag-stabilize ng suplay ng kuryente.
Sinabi pa ni Villa na kapag bumalik na sa normal ang suplay ng kuryente, agad na babawiin ang deklarasyon ng State of Calamity. Mary Anne Sapico