Home NATIONWIDE Sirit-42%: Higit 9,000 insidente ng sunog naitala – BFP

Sirit-42%: Higit 9,000 insidente ng sunog naitala – BFP

60
0

MANILA, Philippines – Iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang 42% na pagtaas ng mga insidente ng sunog sa buong bansa, na umabot na sa mahigit 9,000 kaso kumpara sa 6,675 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay BFP spokesperson Fire Supt. Anthony Arroyo sa isang briefing, umaabot na sa 9,451 ang naitalang sunog sa kasalukuyan, na iniuugnay sa tumataas na temperatura at mataas na heat index ngayong tag-init.

“Kung titignan natin ‘yung sunog as to date, kumpara sa nakaraang taon ay tumaas ito ng 42%. Ibig sabihin nakapagtala na tayo ng sunog ng 9,451 compared sa 6,675 lang nung nakaraang taon, same period,” pahayag ni Arroyo.

Ayon pa sa BFP, mas mataas ang pagtaas sa labas ng Metro Manila, partikular sa mga non-structural fires tulad ng forest at grass fires na tumaas ng halos 67%.

“So ang nakikita natin dito ang dumaming sunog po ay outside of NCR, ito po ay mga non-structural fire. Tumaas po halos ng 67% ang non-structural fire, ito po ‘yung mga forest fire, grass fire, at iba pang mga halintulad na sunog,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Arroyo na may “direct correlation” ang pagtaas ng heat index at mga insidente ng sunog batay sa datos ng BFP at PAGASA, na kapansin-pansin noong Marso, Abril, at Mayo.

Dagdag pa niya, bagama’t bumaba ng 17% ang mga sunog sa Metro Manila, mas malalaki naman ang mga insidente rito na kadalasang conflagration at nangyayari sa mga siksik na komunidad at informal settler areas.

Kabilang din sa mga sanhi ng sunog sa urban areas ang electrical overloading at illegal electrical connections.

Nagpaalala ang BFP sa publiko na mag-ingat sa paggamit ng kuryente, tulad ng pagpapahinga sa mga appliances gaya ng electric fan para maiwasan ang overheating, pag-iwas sa overloaded connections, at pagbili ng mga DTI-approved na appliances at gadgets. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here