RIZAL- Patay ang tatlong katao kabilang Sangguniang Kabataan chairman matapos magsalpukan ang kanilang motorsiklo, kahapon sa bayan ng Morong.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rian Patrick San Miguel, 22, SK chairman ng Barangay San Gabriel Teresa Rizal, Marquis Evan Sales, 22, at King Cyruz Capuz, 18.
Batay sa report ng Region 4A police, naganap ang insidente bandang alas-12 ng hatinggabi sa national road na sakop ng Barangay CCL (Caniogan-Calero-Lanang) ng nasabing bayan.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni San Miguel ang kanyang motorsiklo sakay si Sales nang makasalubong nila ang motorsiklo na minamaneho naman ni Domingo Rigunay Jr., 20, angkas si Capuz at nagsalpukan.
Sa lakas ng salpukan ay tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo sa sementadong kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang ulo at katawan.
Agad namang dinala sa ospital ang mga biktima subalit idineklarang patay ang tatlo habang nilapatan naman ng lunas si Rigunay.
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico