Home NATIONWIDE SMNI nasa gitna ng banta ng franchise revocation – Roque

SMNI nasa gitna ng banta ng franchise revocation – Roque

MANILA, Philippines – MAYROON na namang banta sa karapatan ng malayang pamamahayag sa pamamagitan ng pananakot na baka ma-revoke o bawiin ang prangkisa ng TV station na Sonshine Media Network International (SMNI), ayon sa abogadong si Harry Roque.

Sa isang panayam, sinabi ng dating presidential spokesperson  na ang nasabing kalayaan ng mga mamamahayag ay isang napaka-importanteng kalayaan para magkaroon ng demokrasya dahil kailangan lamang aniya na pangalagaan ang merkado ng ideya na nakatutulong sa pagbuo ng paninindigan ng mga mamamayan.

“Sana po kalimutan natin ang kulay… ‘Pag kalayaan ang pinag-uusapan, dapat sama-sama ang lahat ng mamamahayag,” ayon kay Roque sa isinagawang House panel probe ukol sa di umano’y mali at mapanira umanong ulat ng network laban kay House speaker Martin Romualdez.

Sa ulat, pinaiimbestigahan sa Kamara ng isang mambabatas ang prangkisa ng TV station na SMNI na itinatag ni Pastor Apollo Quiboloy, kilalang spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa privileged speech ni Quezon, 2nd District Rep. David “Jayjay” Suarez, pinasisilip niya sa Kamara ang prangkisa ng SMNI.

Pinalagan kasi ni Suarez ang inilabas na ulat ng SMNI na gumastos daw ng P1.8B si Speaker Romualdez sa mga byahe nito.

Para kay Suarez ang ipinalabas ng SMNI laban kay Romualdez ay isang “fake news.”

“Hindi po ito totoo,” diing pahayag ng kongresista.

Kaya nga naniniwala si Suarez na dapat na bawiin ng SMNI ang inilabas nitong ulat.

Nag-demand si Suarez ng agarang “retraction o apology” mula sa mga nagpapakalat ng fake news.

Sa kabilang dako, ang usaping ito ay dinala na sa House Committe on Rules para sa kaukulang aksyon habang iimbestigahan naman agad ng House Committee on Legislative Franchises ang bagay na ito. Kris Jose