MANILA, Philippines — Posibleng umabot sa “very strong” state ang kasalukuyang El Niño bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027, ayon sa pinakahuling climate outlook ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, moderate to strong El Niño na ang umiiral sa Tropical Pacific at inaasahang mananatili ang kondisyon hanggang unang kalahati ng 2027.
Sa rainfall outlook ng ahensya, below-normal na pag-ulan ang inaasahan sa malaking bahagi ng Northern Luzon ngayong Setyembre, habang near-normal naman sa karamihan ng iba pang bahagi ng bansa.
Pagsapit ng Oktubre, below-normal rainfall ang inaasahan sa Luzon, Visayas at Caraga, habang near-normal naman sa ibang bahagi ng Mindanao.
Mas kapansin-pansin ang kakulangan sa ulan sa Nobyembre, kung kailan inaasahan ang way-below-normal hanggang below-normal rainfall sa halos buong bansa, maliban sa ilang bahagi ng Mindanao.
Sa klasipikasyon ng PAGASA, ang “way below normal” ay nangangahulugang mas mababa sa 40 porsiyento ng karaniwang dami ng ulan para sa isang lugar.
Gayunman, hindi pare-pareho ang magiging epekto sa Disyembre. Above-normal rainfall ang inaasahan sa malaking bahagi ng Luzon at Western Visayas, habang below-normal naman sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.
Muling inaasahan ang malawakang way-below-normal hanggang below-normal rainfall sa Enero 2027, maliban sa ilang bahagi ng Mindanao, habang halos buong bansa naman ang maaaring makaranas ng kaparehong kondisyon sa Pebrero.
Kasabay nito, nakikita rin ng PAGASA ang pagdami ng mga lugar na maaaring makaranas ng dry conditions at dry spell habang tumitindi ang epekto ng El Niño. Batay sa outlook na inilabas noong Agosto 26, posibleng magkaroon ng dry conditions sa 44 probinsya at dry spell sa 17 probinsya pagsapit ng katapusan ng Nobyembre.
Patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang El Niño at ang posibleng epekto nito sa rainfall, temperatura at suplay ng tubig sa bansa. Santi Celario