Home HOME BANNER STORY Social insurance para sa 4Ps beneficiaries ikakasa ng SSS, DSWD

Social insurance para sa 4Ps beneficiaries ikakasa ng SSS, DSWD

MANILA, Philippines- Nakatakdang maging “low-cost social insurance policyholders” ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kapag naging miyembro na sila ng Social Security System (SSS).

Pipirma ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang SSS sa memorandum of agreement (MOA) para rito ngayong Lunes.

“The DSWD is fortunate to collaborate with the state-run SSS. This partnership with SSS will extend social security coverage to our 4Ps beneficiaries, providing them with safety nets from income loss, sickness, and other financial burden,” pahayag ni DSWD Assistant Secretary and spokesperson Irene Dumlao nitong Linggo.

Tatawaging “4Ps AlkanSSSya Program,” magtatatag ang DSWD at ang SSS ng contribution subsidy table partikular para sa 4Ps organized group, na tutukuyin ng SSS batay sa actuarial study at sa kapasidad ng mga benepisyaryong bayaran ang minimum amount  na P570.00 kada buwan.

Sasagutin ng mga benepisyaryo ang SSS monthly premium.

Saklaw din ng partnership ang 4Ps beneficiaries ng mga miyembro ng workers’ associations, informal sector groups at Sustainable Livelihood Program Associations.

Sa ilalim ng kasunduan, aasistihan ng SSS ang DSWD sa rehistrasyon at pagproseso ng mga aplikasyon ng eligible beneficiaries. 

Magsasagawa rin ang dalawang ahensya ng mga seminar at orientation activity para sa 4Ps organized groups.

“It is necessary that our 4Ps beneficiaries are educated on the importance and benefits of SSS membership and savings. This also contributes to our financial literacy efforts among our beneficiaries,” wika ni Dumlao.

Hanggang nitong Mayo 31, mayroong 4.3 milyong household-beneficiaries sa buong bansa na nakatatanggap ng conditional cash grants sa ilalim ng programa. RNT/SA