Home OPINION PAMPABANGO “ROON” MAAARING NAKAKAKANSER – WHO

PAMPABANGO “ROON” MAAARING NAKAKAKANSER – WHO

INIHAYAG ng World Health Organization na maaaring pagmulan ng kanser, lalo na sa kababaihan, ang talc powder na ginagamit na pabango.

Minimina ang talc powder na karaniwang ginagamit sa paggawa ng talcum baby powder.

Nakita umano ito sa mga daga na ginawan ng eksperimento gamit ang talc.

Pero marami na umanong pag-aaral ang nagsasabing nakakanser talaga ang talc powder, lalo na sa mga babaeng gumagamit nito sa ari bilang pabango.

Ang kanilang ovary o bahay itlog kung tawagin ang pangunahing tinatamaan ng cancer.

Bigla tuloy nating naalala na karaniwang binubudburan ng talcum baby powder ang mga bata, lalaki man o babae, makaraan silang linisin o paliguan.

At naiisip o kaya’y natatanong natin kung isa ito sa pinagmumulan ng ovarian cancer na pinaniniwalaang matagal bago matuklasan o malamang kumapit na pala sa tao.

Kaugnay nito, maaari rin umanong nahaluan ng asbestos na nakakakanser ang talc at hindi ang talc kundi ang asbestos ang pinagmumulan ng kanser.

Iba naman ang nagsasabing maaaring nagmumula sa polymer o materyal sa paggawa ng plastic, cellophane, damit at iba ang kanser.

Hindi nga ba karaniwang plastic bottles ang pinaglalagyan ng talc at may polymer din sa mga brief o panty na gamit?

Kung hindi naman, ang  kemikal umanong acrylonitrile na gamit sa paggawa ng polymer ang nakakanser.

Noong 2020, tinanggal sa North America ng Johnson and Johnson ang lahat ng produkto nito sa merkado at ngayon magbabayad ito ng $700 milyon sa umano’y mga biktima ng panlilinlang ng kompanya ukol sa kaligtasan sa paggamit ng talc sa mga produkto nito.

Gayunman, hindi umaamin ang kompanya na nakakakanser ang talc na gamit nito at magbabayad lang para humupa na ang kontrobersya.

Ano nga ba ang totoo?

Ang maganda, basta mag-ingat sa paggamit ng talc powder o pagpapabango “roon” ng baby powder para hindi magkakanser.